ni Angela Fernando - Trainee @News | December 3, 2023
Inilarawan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Linggo, Disyembre 3, ang ginawang pagbomba sa gymnasium ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City na isang malinaw na kaduwagan. Nagpaabot din sila ng panawagan sa pamahalaan para sa mabilisang pag-abot ng katarungan at pagkakasakdal ng mga may sala.
Nagpahayag si BARMM Chief Minister Ahod B. Ebrahim ng labis na kalungkutan at pagkabahala sa naganap na pagbomba sa MSU na nagresulta sa pagkamatay ng maraming buhay.
Nagpaabot din si Ebrahim ng pakikiramay sa mga pamilya at kaibigan ng mga nasawi at sinabing inaalala niya ang mga biktimang naapektuhan at sugatan sa nangyari.
Umabot sa 11 tao ang namatay at marami ang sugatan matapos ang naganap na karumal-dumal na pambobomba sa Dimaporo Gymnasium.
Mariin ding kinondena ni Ebrahim ang nangyaring masahol at duwag na gawain at hiniritan naman ng BARMM ang mga awtoridad para sa mas malalim na imbestigasyon upang agarang panagutin ang mga may sala.
Comments