top of page
Search
BULGAR

Pagbibigay ng separation pay bilang company practice

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 21, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay empleyado ng isang hotel sa Maynila. Ako ay napilitang mag-relocate sa Batangas noong ako ay ikinasal kaya naman minabuti ko nang mag-resign sa aking trabaho. Katulad ng aking mga kasamahan na nauna nang umalis sa akin, sila ay nabigyan ng aking employer ng P20,000.00 bilang separation pay. Ngunit, noong ako na ang umalis, wala akong natanggap na P20,000.00. Ang dahilan ng aking employer ay management prerogative diumano ang pagbibigay nila ng separation pay sa mga empleyadong umaalis at hindi sila maaaring pilitin na ibigay ito. Tama ba itong sinabi nila sa akin? - Mara


Dear Mara,


Para sa iyong kaalaman, ang probisyon ng batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 100 ng Labor Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:


“Art. 100. Prohibition against elimination or diminution of benefits. Nothing in this Book shall be construed to eliminate or in any way diminish supplements, or other employee benefits being enjoyed at the time of promulgation of this Code.”


Sang-ayon sa nabanggit, ang isang kumpanya o employer ay hindi maaaring bawasan ang mga benepisyong ibinibigay sa kanilang mga empleyado. Subalit, ang patakarang ito ay magagamit lamang kung ang benepisyong ibinibigay ay nagbunga mula sa express policy, written contract, o company practice.


Ibig sabihin, hindi tama ang sinabi sa iyo ng iyong employer. Ikaw, bilang kanilang empleyado, ay dapat bigyan ng P20,000.00 bilang iyong separation pay nang ikaw ay mag-resign sa trabaho. Kailangan mo lamang mapatunayan na ang pagbibigay ng nasabing separation pay ay naging company practice na sa inyong kumpanya.


Sa kasong Vergara, Jr. v. Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. (G.R. No. 176985, April 1, 2013, Ponente: Retired Honorable Chief Justice Diosdado M. Peralta), ay binigyang-kahulugan ng Korte Suprema kung ano nga ba ang maikokonsiderang company practice:


“To be considered as a regular company practice, the employee must prove by substantial evidence that the giving of the benefit is done over a long period of time, and that it has been made consistently and deliberately. Jurisprudence has not laid down any hard-and-fast rule as to the length of time that company practice should have been exercised in order to constitute voluntary employer practice. The common denominator in previously decided cases appears to be the regularity and deliberateness of the grant of benefits over a significant period of time. It requires an indubitable showing that the employer agreed to continue giving the benefit knowing fully well that the employees are not covered by any provision of the law or agreement requiring payment thereof. In sum, the benefit must be characterized by regularity, voluntary and deliberate intent of the employer to grant the benefit over a considerable period of time.”


Tulad ng iyong nabanggit, ang mga dating empleyado na nauna sa iyong umalis ay nakatanggap ng separation pay. Kung sa gayon, at iyong mapatutunayan na ang pagbibigay ng separation pay ay regular o paulit-ulit, boluntaryo, at may intensyong ipagkaloob sa nakaraang mga pagkakataon sa inyong kumpanya, masasabing ikaw ay nararapat din na makatanggap nito.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

댓글


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page