top of page
Search
BULGAR

Pagbebenta sa ari-ariang isinanla

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 24, 2023


May mga pagkakataon na ang iba sa ating mga kababayan, kapag sila ay nagigipit sa pinansyal na aspeto, ay napipilitang mangutang at ginagamit ang kanilang mga ari-arian upang maging garantiya sa kanilang pagkakautang.


Kung hindi makabayad ang nangutang, maaaring gamitin ng taong pinagsanglaan ang nakaprendang ari-arian at ipabenta ito para magkaroon ng pondo kung saan kukunin ang kabayaran sa halaga ng pagkakautang.


Upang bigyan ng kaayusan ang nasabing pagbebenta ng bagay na isinangla, ipinasa ng Korte Suprema para sundan ng lahat ng clerks of courts na tatayong ex-officio sheriff sa mga extra-judicial foreclosure of mortgage. Ito ay ang A.M. No. 99-10-05-0 Re: Procedure in Extrajudicial Foreclosure of Mortgage, 14 December 1999.


Ang extra-judicial foreclosure of mortgage ay isang paraan kung saan ang pinagsanglaan ng isang ari-arian, matapos na hindi makabayad ang nangutang ay ibebenta ang ari-ariang isinangla (mortgaged property) upang maging kabayaran ng halagang inutang.


Nakapaloob sa nasabing issuance ng Korte Suprema ang mga proseso na susundan ng bawat panig upang maging maayos ang pagbebenta ng mortgaged property. Kadalasan na gumagawa nito ay mga financing institutions gaya ng bangko.


Sang-ayon sa A.M. No. 99-10-05-0, ang lahat ng aplikasyon para sa extra-judicial foreclosure of mortgage ay kailangang maisumite sa Executive Judge sa pamamagitan ng Office of the Clerk of Court ng Regional Trial Court na nagsisilbi bilang Ex-Officio Sheriff sa mga extra-judicial foreclosure of mortgage. Pagkatanggap ng nasabing aplikasyon, ang mga sumusunod ang prosesong dapat na maipatupad:



1. Obligasyon ng clerk of court na tanggapin at ilagay sa docket ang nasabing aplikasyon at tatakan ito ng file number, at oras at petsa ng nasabing araw ng aplikasyon;


2. Pagkatapos na tanggapin ang nasabing aplikasyon, ang kaukulang filing fees ay babayaran ng naghain ng aplikasyon;

3. Kapag ang ibebentang ari-arian ay real property, tungkulin din ng clerk of court na suriin kung ang naghain ng aplikasyon ay sumunod sa mga requirements bago ang public auction ay maisagawa sa direksyon ng sheriff o notary public alinsunod sa Seksyon 4 ng Act No. 3135, as amended;

4. Ang clerk of court ay magsasagawa ng certificate of sale pagkatapos ng pagsang-ayon ng Executive Judge o ng Vice-Executive Judge kung wala ang huli;


5. Pagkatapos ng pagbigay ng certificate of sale sa pinakamataas na bidder, itatago ng clerk of court ang kumpletong record ng extra-judicial foreclosure sale, habang hinihintay ang redemption period ng nagsangla sa loob ng isang taon mula sa araw ng nasabing sale at public auction;


6. Ang lahat ng notices ng auction sale ay kinakailangang maipagbigay-alam sa publiko at mailathala sa isang newspaper of general circulation;


7. Lahat ng aplikasyon para sa extra-judicial foreclosure of mortgage ay ira-raffle sa lahat ng sheriff, kasama ang mga nakatalaga sa Office of the Clerk of Court at Sheriff IV na nakatalaga sa mga branches ng Regional Trial Court;


8. Ang auction sale ay dapat na lahukan ng hindi bababa sa dalawang bidders. Kung kulang ang bidders, ang auction sale ay ipagpapaliban sa ibang petsa. Sa susunod na petsang itinalaga para sa auction sale, itutuloy ang pagbebenta kahit pa kulang sa dalawang bidders;


9. Ang mga pangalan ng bidders ay iuulat ng sheriff o ng notary public na nagsagawa ng auction sale sa clerk of court bago ang pagbibigay ng certificate of sale.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page