top of page

Pagbebenta ng kulang sa timbang na LPG, labag sa batas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 14, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Isa sa mga alalahanin namin sa bahay ay ang pananatiling ligtas ng paggamit ng aming LPG. Ito ay dahil na rin sa sunud-sunod na insidente ng sunog na ang kadalasang sanhi ay ang pagsabog nito. Kung sakali bang malalaman na ang timbang ng gamit naming LPG ay kulang o hindi akma ang timbang, masasabi ba na may paglabag sa batas na nagawa ang nagbenta sa amin? — Bhan Mey


 

Dear Bhan Mey,


Maaaring matagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 39, Kabanata XI ng Republic Act (R.A.) No. 11592, o mas kilala sa tawag na, “LPG Industry Regulation Act.” Ayon dito:


“CHAPTER XI

PROHIBITED ACTS AND PENALTIES

x x x


Section 39. Underfilling. – The following acts undertaken by the following natural or juridical persons shall constitute underfilling of LPG pressure vessels:


(a) The refiller when the net quantity of LPG contained in an LPG pressure vessel sold, transferred, delivered, or filled is less than the LPG pressure vessel content required at the refilling plant; and


(b) The dealer or retail outlet when the net quantity of LPG in a pressure vessel sold, transferred, or delivered is less than the required LPG pressure vessel content quantity.


If applicable, a broken, tampered, absent, or removed seal, or an LPG pressure vessel that does not have the proper seal attached to it, shall be considered prima facie evidence of underfilling.”


Polisiya ng ating pamahalaan na mapanatili ang kaligtasan ng mga mamimili ng liquefied petroleum gas (LPG) at masigurado na ang mga nagbebenta nito ay sumusunod sa mga nakalaan na patakaran na nilatag ng akmang ahensya ng gobyerno. Isa sa mga bagay na nararapat na masigurado ay ang pagkakaroon ng tiyak na pamantayan sa kaligtasan, seguridad, kapaligiran, at kalidad ng nasabing LPG na binibili sa merkado ng ating mga kababayan. 


Kung kaya, may mga akto na masasabing paglabag sa batas tulad ng nakasaad sa Seksyon 39 ng R.A. No. 11592 patungkol sa tinatawag na “underfilling” o kakulangan sa akmang timbang ng LPG na ibebenta sa merkado.


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, matatawag na underfilling o isang akto na paglabag sa batas kung ang: a) refiller kapag ang net quantity ng LPG na nilalaman sa isang LPG pressure vessel na ibinebenta, inilipat, inihatid, o pinunan ay mas mababa kaysa sa kailangang nilalaman ng LPG pressure vessel sa refilling plant; at (b) dealer o retail outlet kapag ang net quantity ng LPG sa isang LPG pressure vessel na ibinebenta, inilipat, o inihatid ay mas mababa sa kinakailangang laman ng isang LPG pressure vessel.


Karagdagan dito, nabanggit sa parehong probisyon ng batas na kung naaangkop, ang isang sira, pinakialaman, nawawala, o tinanggal na seal, o isang LPG pressure vessel na walang tamang seal na nakakabit dito, ay dapat ituring na prima facie na ebidensya ng underfilling.  


Kung kaya bilang kasagutan sa iyong katanungan, sang-ayon sa batas, ipinagbabawal ang underfilling o pagbebenta ng may mas mababang timbang o laman kaysa sa kinakailangan o required na laman ng isang LPG pressure vessel. Nararapat na angkop ang timbang ng produktong LPG upang mapanatili ang kalidad nito at masiguradong ligtas itong magamit ng mga mamimili.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page