ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 27, 2022
Sadyang napakabilis ng panahon dahil parang kailan lang ay nagmarka sa kasaysayan ang napakalaking centennial celebration na isinagawa ng Iglesia Ni Cristo (INC) na ginanap sa Philippine Arena sa Ciudad de Victoria, Santa Maria, Bulacan.
Ngayon ay Hulyo 27 na naman at ipinagdiriwang ng INC ang kanilang ika-108 anibersaryo, na minarkahan sa bansa bilang working holiday na siya namang ginugunita ng halos lahat ng mga kaanib sa buong mundo ang naturang pagdiriwang.
Si Hawaii Governor David Igi ay lumagda sa isang honorary certificate na bumabati sa ika-108 anibersaryo ng buong kapatiran at napakarami pa ng mga halal na opisyal ang nagpapadala ng kani-kanilang pagbati.
Maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay nagtungo sa Central Office ng INC kamakailan at personal na nakipagkita sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng INC, Ka Eduardo V. Manalo, upang magpasalamat sa suporta noong nagdaang halalan kasabay ng pagbati sa ika-108 anibersaryo.
Sa mga distrito ng bawat lalawigan man lamang gaganapin ang pagdiriwang ng mga kaanib, buo at nagkakaisa naman ang selebrasyon at sabay-sabay ang pagsasagawa ng pamamahayag o pangkalahatang pag-iimbita sa mga hindi pa kaanib ng Iglesia.
Mapapanood ang malaking pamamahayag sa Net 25 at sabay-sabay na makikita ang sabay-sabay at malawakang aktibidades na ito ng INC na sa halip magsagawa ng kasayahan ay pagtuunan ang pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos.
Noong Hulyo 27, 1914 opisyal na matala ang INC sa pamahalaan ng Pilipinas sa pangunguna ng ‘Sugo sa Huling Araw’ na si Ka Felix Y. Manalo na lolo ng kasalukuyang tagapamahala na si Ka Eduardo.
Maraming pagsubok na sinuong si Ka Felix, partikular ang maraming relihiyon na tumutuligsa sa kanyang pinangangaral, ngunit dahil sa nakagabay palagi ang Panginoon ay hindi ito pinabayaan hanggang sa magtuluy-tuloy nang lumaganap ang INC.
Nagsimula ang INC sa pinaka-una nitong lokal sa kapisanan ng Punta, Sta. Ana, Manila na mula doon ay hindi na napigilan ang pagdami sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan na lumaganap pa sa mga karatig-bayan hanggang tumawid na sa Visayas at Mindanao.
Abril 1963 ay pumanaw na si Ka Felix, ngunit matagumpay na nitong naitatag ang ecclesiastical districts sa mahigit kalahati ng mga probinsya sa buong bansa at naisaayos na ang kalagayang pananampalataya ng lahat ng kaanib.
Taong 1968 nang pinangunahan ni Ka Eraño G. Manalo ang INC, na noon ay siyang tumayong Executive Minister at matagumpay nitong naitatag ang unang dalawang kongregasyon sa labas ng Pilipinas — ito ang Honolulu, Hawaii at San Francisco, California sa Estados Unidos.
Mula noon hanggang bago magtapos ang dekada ‘70 ay lalo pang lumaganap ang INC patungo sa kontinente ng North America hanggang sa ibang estado at teritoryo, tulad ng New York at Guam noong 1969, at Canada noong 1971.
Bago matapos ang dekada ’80 ay narating na ng INC ang Europe, Battersea, Australia, buong Asya hanggang sa mga bansang Scandinavian at mga karatig bansa hanggang sa halos buong mundo na, bago pa man sumakabilang-buhay si Ka Eraño noong Agosto 31, 2009.
Dito nagsimula ang pagkakatalaga kay Executive Minister, Ka Eduardo na siya namang nagpatuloy sa mga mabubuting gawain ng INC na mapalaganap ang salita ng Diyos at patuloy din ang pagdami ng mga kaanib hanggang sa kasalukuyan.
Hindi na natin basta maisasaisantabi ang tagumpay ng INC na umukit na ng labis sa ating kasaysayan lalo pa at ipinagmamalaki ito ng maraming Pilipino sa ibang bansa kahit hindi kaanib ng INC dahil sa Pilipinas ito nagmula.
Napakarami na rin ng mga ibang lahi na kaanib na ng INC sa kasalukuyan at maging mga ministro sa ibang bansa ay nagmula na sa iba’t ibang lahi na patunay na patuloy pa rin ang paglaganap ng INC sa maraming bahagi ng mundo.
Kaya kay Ka Eduardo at sa milyun-milyong kaanib ng INC ay buong puso akong bumabati, sampu ng aking pamilya at ng lahat ng Pilipino ng maligaya at matagumpay na ika-108 anibersaryo sa buong Iglesia Ni Cristo.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentarios