ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 30, 2022
Nagdiwang ng kanyang ika-77 kaarawan ang ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 28, 2022. Siya ang aking idolo at gabay sa serbisyo-publiko. Maraming salamat sa lahat na ginawa mo para sa bayan, Mayor! Sana ay mabigyan ka pa ng mahabang buhay, maayos na kalusugan, at mas maraming oportunidad para makapagserbisyo sa kapwa.
Mahal na mahal ka ng taumbayan at hangad ko na mas maraming kaarawan pa ang darating sa buhay mo upang patuloy kang makapagsilbi sa ating kapwa Pilipino at sa bansa.
Sa loob ng ilang dekada ng kanyang paninilbihan sa sambayanang Pilipino, napakaraming buhay ang kanyang naproteksyunan at nabigyan ng mas magandang kinabukasan. Tinitingala si Tatay Digong dahil sa kanyang angking husay, tapang, at dedikasyon sa pagseserbisyo. Sa kanya ko natutunan kung paano maglingkod nang walang inaasahang kapalit, at palaging gawin ang tama para sa kapwa.
Isa sa naging pangunahing kontribusyon ni Pangulong Duterte ay ang pagkakaroon ng kapayapaan at kaginhawahan sa buhay ng mga taga-Mindanao. Kaya noong inanyayahan akong magsalita sa 2nd General Members Meeting ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI)-Mindanao noong Marso 26, binigyan natin ng karampatang pansin ang pagsisikap ng Administrasyong Duterte na makamit ang patuloy at malawakang pag-unlad sa Mindanao, at sa lahat ng dako ng Pilipinas.
Sa mga nakalipas na taon, nakaranas ang Mindanao ng mga positibo at makahulugang pag-unlad lalo na sa imprastruktura. Maraming negosyante ang namuhunan dito. Nagkaroon ng kapayapaan, at ang mga residente ay nakaramdam na ng seguridad. Talagang isinugal ng Pangulo ang lahat para sa kinabukasan ng ating mga anak.
Tinupad ni Pangulong Duterte, magkasama kami, ang kanyang pangako at nagresulta ito sa magandang business climate, kahit pa nagka-pandemya. Buti na lang at mayroon tayong isang lider na decisive at may political will.
Bilang senador, patuloy ko namang isinusulong ang mga panukalang batas para bumilis ang pagbangon ng Mindanao mula sa pandemya at makalikha ng mga oportunidad para sa ating mga lokal na negosyante.
Inakda at isinulong ko po sa Senado ang pagtatatag ng Metropolitan Davao Development Authority. Kapapasa lang po nito. Pagagandahin nito ang koordinasyon ng mga local government units para sama-sama silang umunlad. Dahil ang Davao region ang isa sa nangungunang rehiyon sa Mindanao, ang MDDA ang magsisilbing gateway para makarating ang kaunlaran sa iba pang rehiyon sa Mindanao. Nakatakda na po itong lagdaan ng ating Pangulo para maging ganap na batas.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, pinangunahan ko ang pagpasa ng Republic Act 11463 o ang Malasakit Centers Act na nagtatatag ng Malasakit Centers sa lahat ng DOH-run hospitals at sa PGH para matulungan ang mga Pilipino sa kanilang mga bayarin sa ospital. Sa ngayon, sa kabuuang 151 ay may 37 Malasakit Centers na sa iba’t ibang ospital sa Mindanao. Hanggang Basilan at Jolo, para hindi na mahirapan ang ating mga kababayan—lalo na ang mga mahihirap at walang malapitan.
Patuloy din ang aking paghahanap ng solusyon para mapalakas ang ating healthcare system. Naisulong ko ang pagsasabatas ng 24 local hospital laws para ma-upgrade at makapagpatayo ng mga pampublikong ospital sa buong bansa — kabilang ang mga nasa Mindanao.
At para makamit natin ang pangmatagalang pag-unlad sa Mindanao, kailangang maipagpatuloy ang mga programa ng Administrasyong Duterte, lalo na ang Build, Build, Build program.
Ilan sa big-ticket projects ng BBB program ang “Bridge of Peace and Unity” na magpapabilis ng biyahe mula Tubod, Lanao del Norte patungong Tangub City, Misamis Occidental—na mula dalawang oras ay magiging pitong minuto na lang.
Naririyan din ang Mindanao Railway System na magkokonekta sa malalaking lungsod sa Mindanao at magdadala ng kaginhawahan sa buhay ng nasasakupan doon.
May Balik Probinsya, Bagong Pag-asa program din po tayo na inilunsad para makauwi na sa kanilang lugar ang mga taga-probinsya na ayaw nang manirahan sa Metro Manila. Kaakibat nito ang suportang pangkabuhayan at pagpapalago ng oportunidad sa kanayunan upang tunay na mabigyan ng pag-asa ang mga Pilipino ng mas maginhawang buhay sa probinsya.
Para sa kapayapaan sa buong Mindanao, pinalawig ng ating Pangulo ang termino ng Bangsamoro Transition Authority hanggang 2025 para mabigyan sila ng pagkakataong maisaayos ang kanilang mga programa at bilang pagkilala na rin sa kanilang mga karapatan at pagkakakilanlan. Patuloy ding sinusugpo ng administrasyon ang terorismo at karahasan upang mabura na ang ilang dekadang kawalan ng katarungan sa mga komunidad doon.
Sa magagandang kaganapang ito, umaapela ako sa mga bagong PCCI Mindanao regional governors na makipagtulungan sa gobyerno para mas palawakin pa ang oportunidad na pangkabuhayan sa kanilang lugar at suportahan ang mga proyektong labis na pakikinabangan ng mahigit 26 milyong Mindanaoan. Ipagpatuloy din sana natin ang suporta sa COVID-19 response ng pamahalaan lalo na sa isinasagawang national vaccination campaign.
At bilang taga-Mindanao rin, hindi ko lilimitahan ang aking sarili bilang mambabatas na nakaupo lang. Ipinangako ko na tutulungan ko ‘yung mga kababayan natin sa abot ng aking makakaya, pupuntahan ko sila kahit saang sulok ng bansa basta kaya ng aking katawan at panahon para makapagbigay ng solusyon, at makapag-iwan ng kaunting ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.
Magtulungan po tayo para masigurong walang maiiwan sa ating pag-ahon mula sa pandemyang ito at sa iba pang krisis na ating kinakaharap.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments