ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 30, 2024
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, buo ang ating suporta sa mga hakbang ng Department of Education (DepEd) para sa pagbabalik ng dating school calendar na nagsisimula ng Hunyo at nagtatapos ng Marso o Abril.
Kung inyong matatandaan, ipinanawagan na natin noon ang unti-unting pagbabalik sa dating school calendar. Ito ay magbibigay sa mga mag-aral ng pagkakataong makasama ang kanilang mga pamilya, lalo na’t sa panahon ng tag-init o summer madalas ginaganap ang mga family outing. At dahil sa buwan ng Mayo naman ginaganap ang halalan, maaaring magbigay ng mas maraming panahon sa paghahanda kapag bumalik sa dating school calendar.
Sa isang Pulse Asia survey na isinagawa mula Hunyo 19 hanggang 23, 2023, lumabas na 80 porsyento ng mga Pilipino ang pabor sa pagbabalik ng summer break sa Abril at Mayo.
Naghain na tayo dati ng Proposed Senate Resolution No. 672 noong nakaraang taon para suriin ang mga batayan ng school opening.
Sa isang pagdinig na ginanap noong Agosto 23, 2023, binigyang diin ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na bagama’t hindi kasabay ng kasalukuyang school calendar ang mga araw na may malakas na ulan at mas kaunting class cancellation dahil sa mga bagyo, kasabay naman nito ang mga araw na sobrang init. Binigyang diin din ng ahensya na umakyat na ng 0.75 porsyento ang average na temperatura sa Pilipinas.
Muli namang ipinagpatuloy ng DepEd ang mga konsultasyon sa mga stakeholder, kabilang ang grupo ng mga guro, mga paaralan, mga magulang, at mga student-leaders. Ibinahagi ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas ang naging kasunduan sa DepEd na tapusin nang mas maaga ang School Year 2023-2024.
Nakatakda ang pagwawakas ng school year sa Hunyo 14 pero napagkasunduan ang mas maagang pagwawakas ng school year. Ang naging paliwanag naman ni DepEd Deputy Spokesperson Francis Cesar Bringas ay balak ng kagawaran na buksan sa Hulyo ang SY 2024-2025, at Hunyo naman sa pagbubukas ng SY 2025-2026. Patuloy ang mga konsultasyon sa pagitan ng DepEd at mga stakeholder hanggang sa magkaroon ng pinal na polisiya.
Mahalaga ang pagsasagawa ng maayos na konsultasyon sa lahat ng stakeholder lalo na’t pabor ang karamihan sa ating mga kababayan na ibalik sa buwan ng Hunyo ang simula ng pasukan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments