top of page
Search
BULGAR

Pagbalik ng face-to-face classes, ikonsulta sa mga eksperto, ‘wag sa pulitiko!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 23, 2021



Habang papalapit ang pagtatapos ng school year, usap-usapan na rin ang pagbabalik ng face-to-face classes.


Kaugnay nito, ilang mambabatas ang nagsusulong na ibalik na ang face-to-face classes ngayong taon.


Matatandaang kasama sa mga nais payagan ang pagbabalik ng face-to-face classes kung matutuloy ang hiling ng National Economic and Development Authority (NEDA) na pairalin ang modified general community quarantine (MGCQ) sa buong bansa.


Kaugnay nito, iginiit ng isang mambabatas na bumuo ang Department of Education (DepEd) ng grupo ng mga eksperto sa agham at medisina na magpapayo hinggil sa pagbabalik ng face-to-face classes. Aniya, dapat ipaubaya sa mga eksperto ang pagdedesisyon sa pagbabalik-eskuwela ng mga mag-aral at nanindigang hindi dapat ang mga pulitiko ang masusunod sa isyu.


Samantala, sa press briefing kahapon, Pebrero 22, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na nagdesisyon na ang Pangulo na wala pa ring face-to-face classes ngayong taon dahil ayaw nitong malagay sa alanganin ang mga mag-aaral at guro habang wala pang nababakunahan sa bansa.


Dagdag pa rito, sinabi ng tagapagsalita na maaaring ikonsidera ang face-to-face classes sa Agosto sa mga low-risk areas.


Kung tutuusin, may punto naman ang mambabatas. Hindi naman talaga basta-basta natin puwedeng isulong ang pagbabalik-eskuwela ng mga bata nang walang konsultasyon mula sa mga eksperto.


Baka kasi todo-pilit tayo na pabalikin ang mga mag-aaral, pero ‘pag nagkaroon ng hawaan, saka tayo magtuturuan kung sino ang may kasalanan.


Kaya ngayon, kailangan munang pag-aralan kung uubra ang face-to-face classes sa mga matutukoy na low risk areas, depende na rin sa magiging rekomendasyon ng mga eksperto.


Habang nakikipaglaban sa pandemya, natutunan natin ang kahalgahan ng opinyon at payo ng mga eksperto sa kung paano natin ito tutugunan.


Ngayong kaligtasan ng kabataan ang ating kailangan iprayoridad, dapat lang na makinig tayo sa mga eksperto at iwasang magpadalos-dalos sa mga desisyon. Kung kinakailangan nating maghintay pa rin, ‘wag tayong manghinayang.


‘Ika nga, hindi natin kailangang magmadali para maiwasan ang mga panibagong problema.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page