ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 4, 2020
Sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang quarrying operations sa paligid ng Bulkang Mayon matapos umagos ang lahar sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Rolly na ikinamatay ng ilang residente sa Albay.
Daan-daang kabahayan ang natabunan ng lahar sa Guinobatan, Albay at isinisisi ang insidente sa quarrying operations.
Sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagsagawa ng imbestigasyon ang DENR at ilan pang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, iniwan umano ng mga quarry operators ang ilan sa mga kagamitan nila sa gitna ng ilog.
Aniya, “Kaya noong bumababa ang tubig, malakas, dala-dala 'yung lahar pati 'yung mga stockpiles nila doon, boulders ay kasama na. And nag-swollen ‘yung river, umabot doon sa residential houses.”
Ayon naman kay DENR Undersecretary Jonas Leones, aabutin ng 15 araw bago makumpleto ang imbestigasyon sa insidente.
Aniya, “Titingnan namin kung ano ang magandang recommendation.”
May permit din umano ang quarrying operations mula sa local government unit (LGU).
Handa naman umanong makipagtulungan ang LGU sa utos ni P-Duterte ngunit umaapelang tapusin muna ang imbestigasyon bago itigil ang operasyon.
Ayon naman kay Albay Governor Al Bichara, kakailanganin ang mga kagamitan sa quarrying operations para sa rehabilitasyon ng mga bahay at establisimyento sa probinsiya.
Aniya, “If they will stop quarrying, we will run out of aggregates for reconstruction, rehabilitation of our province, not only that of the region because most of the aggregates come from Albay.”
Comentarios