Pagbabayad sa SSS contribution ng mga magsasaka, mangingisda at self-employed individual sa informal economy
- BULGAR
- 4 days ago
- 4 min read
by Info @Buti na lang may SSS | Apr. 14, 2025

Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay isang magsasaka dito sa General Tinio, Nueva Ecija. Nais ko sanang itanong kung paano maipagpapatuloy ng katulad kong magsasaka ang paghuhulog sa SSS. Salamat. — Mang Kiko
Mabuting araw sa iyo, Mang Kiko!
Kinikilala ng SSS ang mahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda sa ating ekonomiya. Noong Oktubre 1995 ay sinimulan ng SSS ang coverage ng mga magsasaka at mangingisda upang mabigyan din sila ng kaukulang social security protection upang sa panahon ng kanilang pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, inboluntaryong pagkawala ng trabaho, pagpapalibing at pagkamatay ay may magagamit sila sa oras ng kanilang pangangailangan.
Batay sa SSS Circular No. 2022-028, inilunsad ng SSS ang programang Flexible Payment Schedule ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) contributions sa lahat ng magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual sa informal economy.
Sa ilalim ng nasabing programa, maaari na kayong magbayad, Mang Kiko, ng inyong SSS contributions sa nakalipas na 12 buwan mula sa kasalukuyang buwan. Halimbawa, kung kayo ay magbabayad ng SSS contributions ngayong buwan ng Marso 2025, maaari ninyong bayaran ang mga kontribusyon para sa Marso 2024 hanggang Pebrero 2025.
Samantala, ang schedule na ito ay hindi pinapahintulutan sa ibang mga miyembro lalo na sa mga regular na self-employed dahil walang retroactive payments.
Narito naman ang comparison ng regular na payment schedule para sa mga self-employed member at ang bagong flexible payment schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual na kabilang sa informal economy:
A. Regular Payment Schedule para sa mga Self-Employed Member | |
Petsa ng Pagbabayad | Mga Buwan na Maaaring Bayaran |
30 Abril 2025 | Enero 2025 to Marso 2025 |
31 Hulyo 2025 | Abril 2025 to Hunyo 2025 |
B. New Payment Schedule para sa mga magsasaka, mangingisda at mga self-employed individual sa Informal Economy | |
Petsa ng Pagbabayad | Mga Buwan na Maaaring Bayaran |
Marso 2025 | Enero 2024 to Pebrero 2025 |
Abril 2025 | Abril 2024 to Marso 2025 |
Nakita ng SSS ang regular na payment schedule para sa mga self-employed member ay hindi naayon sa schedule ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda. Hindi kasi ito tulad ng karaniwang manggagawa na tumatanggap ng kita kada buwan dahil sila ay nagkakaroon lamang ng kita sa panahon ng anihan ng kanilang produkto na may mga kaukulang buwan lamang sa loob ng isang taon.
Sa isinagawang pag-aaral ng SSS, lumalabas na para sa ating mga magsasaka, may kaukulang harvest season sila na sinusunod at ito ay:
Para sa palay
Pangunahing ani: Setyembre hanggang Disyembre
Ikalawang ani: Enero hanggang Abril
Kabuuang bilang ng buwan: walong buwan/12 buwan
Para sa mais
Pangunahing ani: Hulyo hanggang Setyembre
Ikalawang ani: Pebrero hanggang Mayo
Kabuuang bilang ng buwan: walong buwan/12 buwan
Kaya minarapat ng SSS na ibatay sa kanilang harvesting season ang schedule ng pagbabayad ng kanilang kontribusyon at maipagpatuloy nila ang kanilang pagiging miyembro.
Ang kontribusyon naman na kanilang ihuhulog ay batay sa idedeklara nilang buwanang kita. Sa kasalukuyan, maaari silang maghulog ng P760 hanggang P5,280 na kontribusyon kada buwan. Kasama na rito ang kontribusyon sa ilalim ng Employees’ Compensation Program (ECP) na P10 kung ang Monthly Salary Credit o MSC ay P4,000 hanggang P14,500 at P30 naman kung ang MSC ay P15,000 o higit pa.
Maaari silang magbayad ng kanilang kontribusyon gamit ang mobile app ng AltPayNet Corp., CIS Bayad Center, Inc., Security Bank Corp. at Union Bank of the Philippines. Gayundin, maaari nila itong bayaran sa pamamagitan ng internet banking facility ng ng mga accredited banks at collecting partners, sa mga SSS branch na may tellering facility, mga accredited payment center, at SSS-accredited partner agents.
Malaki ang magiging pakinabang ng isang magsasaka o mangingisda kung patuloy na maghuhulog sa SSS hanggang sa siya ay magretiro. Sa panahon ng inyong pagreretiro, Mang Kiko, ay aanihin ninyo ang naimpok sa SSS bilang benepisyo gaya ng pensyon kung kayo ay may naipon na 120 buwan na kontribusyon. Kayo rin ang makikinabang sa kontribusyong inihuhulog ninyo ngayon sa SSS at sa darating pang mga taon.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.
Comentarios