ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 13, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay nanghiram ng pera sa aking tiyahin noong inaasikaso ko ang aking requirements sa pagtatrabaho abroad. Napagkasunduan naming ibabalik ko ang pera mula sa aking unang suweldo. Noong dumating ang araw ng aking pagbabayad, nagulat na lamang ako nang patungan ng interes ng aking tiyahin ang aking hiniram na pera kahit wala naman ito sa aming napagkasunduan, sapagkat ako ay tinutulungan lamang niyang makapaghanapbuhay noong ako’y nanghiram ng pera.
Ako ba ay obligado sa batas na bayaran ang nasabing interes na lingid sa aking kaalaman? -- Erlinda
Dear Erlinda,
Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Articles 1305 at 1306 ng New Civil Code:
“Article 1305. A contract is a meeting of minds between two persons whereby one binds himself, with respect to the other, to give something or to render some service.
Article 1306. The contracting parties may establish such stipulations, clauses, terms and conditions as they may deem convenient, provided they are not contrary to law, morals, good customs, public order, or public policy.”
Kaugnay nito, nakasaad din sa Article 1956 ng New Civil Code na:
“Art. 1956. No interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.”
Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, kinakailangang ang kasunduan tungkol sa pagbabayad ng interes ay napapaloob sa isang kasulatan bilang katibayan sa pagbabayad nito.
Kaya naman sa iyong sitwasyon, kung hindi ninyo napag-usapan ng iyong tiyahin ang naturang pagbabayad ng interes sa iyong utang ay hindi ka niya maaaring pilitin sa pagbabayad nito. Para maging demandable ang interes ay kinakailangan na may kasunduan kayo tungkol dito at ang kasunduang ito ay nararapat na may ebidensyang kasulatan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Kommentare