top of page
Search
BULGAR

Pagbabawal ng cellphone sa iskul, suportado ng taumbayan

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 8, 2024


Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Pagdating sa paggamit ng mga gadget sa loob ng paaralan, hindi maiwasang mapag-diskusyunan kung dapat o hindi ba dapat pahintulutan. Ano ba talaga ang tama?


Lumabas sa isang Pulse Asia survey na kinomisyon ng tanggapan ng inyong lingkod na halos walo sa 10 mga Pilipino ang sumasang-ayon sa pagbabawal sa paggamit ng cellphone sa mga paaralan. Batay sa survey na isinagawa noong Hunyo 17 hanggang 24, 2024, 76 porsyento ng mga 1,200 adult respondents sa buong bansa ang sumasang-ayon sa pagkakaroon ng cellphone ban sa mga paaralan. Nasa 13 porsyento ang hindi sumasang-ayon, samantalang 11 porsyento naman ang nagsasabing hindi nila matukoy kung sumasang-ayon sila o hindi.


Suportado ang panukala ng karamihan ng mga Pilipino anumang socioeconomic class ang pinagmulan nila. Pinakamalakas ang suporta sa Class ABC (80 porsyento), kasunod ng Class D (76 porsyento), at Class E (71 porsyento). 


Kung susuriin naman ang iba’t ibang lokasyon sa bansa, lumalabas na suportado pa rin ng mayorya ng mga Pilipino ang panukalang ipagbawal ang paggamit ng cellphones sa mga paaralan. Lumalabas na halos 8 sa 10 kalahok sa National Capital Region (80 porsyento), Balance Luzon (79 porsyento), at Mindanao (81 porsyento) ang sumasang-ayon sa naturang panukala. Samantala, 6 sa 10 (61 porsyento) na kalahok naman mula sa Visayas ang sumasang-ayon dito. 


Ipinapakita ng survey na nababatid ng mga Pilipino ang maaaring maging benepisyo sa pagbabawal ng paggamit ng mga cellphone sa paaralan, lalo na’t nakakaapekto sa performance ng mga mag-aaral ang abalang idinudulot ng mobile phones. Batay sa pagsusuring ginawa ng Senate Committee on Basic Education sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), walo sa 10 mag-aaral na may edad 15 ang iniulat na naabala sila sa klase dahil sa paggamit nila ng smartphones, at 8 rin sa 10 ang nag-ulat na naabala sila sa paggamit ng ibang mga mag-aaral ng kanilang mga smartphone.


Noong nakaraang Hunyo, inihain na ng inyong lingkod ang Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 2706) na layong ipagbawal ang paggamit ng mga mobile devices at electronic gadgets mula Kindergarten hanggang Senior High School sa loob ng mga paaralan habang may klase.


Malinaw na suportado ng ating mga kababayan ang ating panukala na ipagbawal ang paggamit ng mga cellphone sa mga paaralan, lalo na kapag oras ng klase ay maaaring makapinsala sa kanilang pag-aaral. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang panukalang batas na pag-ban sa paggamit ng cellphone sa oras ng klase.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, nais nating paalalahanan ang ating mga kabataang mag-aaral at magulang: may pakinabang ang gadget sa bawat isa, ngunit dapat ay may limitasyon, lalo na sa loob ng klasrum. Laging tandaan, nasa ating disiplina ang susi ng tagumpay!


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page