top of page
Search
BULGAR

Pagbabalik ng MMFF, dapat suportahan

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 23, 2022


Nagbalik na sa dating sigla ang Metro Manila Film Festival (MMFF), kung saan isinasagawa ang tradisyunal na Parade of Stars na malaking hudyat na simula nang taunang kompetisyon ​​ng pelikulang Pilipino na dinaluhan ng napakaraming tagahanga.


Ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nanguna sa ginanap na parada noong Miyerkules na umikot sa 7.4 kilometrong ruta sa Quezon City na dinumog ng mga tagahanga ang naggagandahang floats.


Alas-3: 00 ng hapon ay nagtipun-tipon na ang mga tagahanga sa Welcome Rotonda bago nagsimula ang parada na binaybay ang kahabaan ng Quezon Avenue, na tumagal ng humigit-kumulang dalawang oras at kalahati bago nagtapos sa Quezon Memorial Circle kung saan ginanap ang main event.


Ito ang ika-48 MMFF na may temang ‘Balik Saya’, na sisimulang ipalabas sa mga sinehan sa buong bansa ang mga kalahok na pelikula sa Disyembre 25 o mismong araw ng Pasko na tatagal hanggang Enero 7, 2023, kaya’t maraming kasiyahan ang naghihintay sa ating mga kababayan.


Narito ang mga kalahok na pelikula: LABYU WITH AN ACCENT, romance comedy na pinangungunahan nina Coco Martin at Jodi Sta. Maria sa ilalim ng ABS-CBN Film and CCM Creatives at si Rodel Nacianceno ang direktor.


Ikalawa ang NANAHIMIK ANG GABI, isang horror, thriller, action na pelikula sa panunguna nina Ian Veneracion, Heaven Peralejo at Mon Confiado sa produksyon ng Rein Entertainment Philippines at si Shugo Praico ang direktor.


Ikatlo ang PARTNERS IN CRIME, isang action, comedy movie na pinagbibidahan nina Vice Ganda at Ivana Alawi ng ABS-CBN Film Production at Viva Films sa ilalim naman nang direksyon ni Cathy Garcia-Molina.


Ikaapat ang pelikulang MY TEACHER na pinagsamahan naman nina Toni Gonzaga at Joey de Leon sa ilalim naman ng TEN17P, DepEd Entertainment at APT Entertainment na isang Drama na pampamilya na si Paul Soriano naman ang tumayong direktor.


Ikalima ang pelikulang DELETER na isang techno-horror at psychological thriller na pinagsama-samahan nina Nadine Lustre, Louise delos Reyes, McCoy de Leon at Jeffrey Hidalgo ng Viva Films na si Mikhail Red naman ang director ng naturang pelikula.


Ikaanim ang pelikulang FAMILY MATTERS na isang madramang pelikula at pampamilya ng Cineko Productions, Inc. na ang tumayong direktor ay si Nuel Naval at inaasahang iyakan ang entry na ito.


Ikapito ang maaksyon at madramang MAMASAPANO: NOW IT CAN BE TOLD na pinangungunahan nina Edu Manzano, Aljur Abrenica at Paolo Gumabo ng Borracho Film Production at Viva Films na si Lester Dimaranan naman ang direktor.


Ikawalo ay ang pelikulang MY FATHER, MYSELF ng 3:16 Media Network at Regal Entertainment na mismong ang batiking si Joel Lamangan naman ang nagpakitang gilas bilang direktor.


Inaasahang magbabakbakan sa takilya ang mga kalahok kung sino ang mag-uuwi ng mga awards at narito ang mga criteria na gagamitin para madetermina ang pinakamahusay sa walong entries: Artistic excellence (40%), Commercial appeal (40%) Filipino cultural sensibility (10%) Global appeal (10%).


Sa Disyembre 27 ng gabi ay bibigyan ng award ang mga magwawagi sa ginanap na festival na ipagkakaloob sa Gabi ng Parangal na gaganapin sa New Frontier sa Quezon City, kaya ngayon pa lamang binabati na natin ang mga magwawagi.


Ngunit higit sa lahat ay binabati natin ang lahat ng nasa likod ng MMFF, ang lahat ng mga tumulong, nagpuyat at nagpagod para muling maisakatuparan ang napakahalagang taunang festival para sa pelikulang Pilipino.


Alam nating lahat kung paano pinataob ng pandemya ang mga kabuhayan, establisimyento at negosyo sa buong mundo kabilang na ang industriya ng pelikulang Pilipino na napakaraming manggagawa ang nawalan ng hanapbuhay.


Dahil sa matagumpay na pagbabalik ng MMFF ay isa itong malaking hudyat sa pagbabalik sigla ng industriya at inaasahang mula dito ay magtutuluy-tuloy ang paggawa ng pelikulang Pilipino.


Kaya matindi ang ating pakiusap, partikular sa mga tagahanga ng pelikulang Pilipino na muli nating ibalik ang suporta dahil mula rito ay tiyak na aahon ang movie industry.


Hindi lamang artista ang magkakaroon ng trabaho dahil maraming manggagawa sa likod ng camera ang magbabalik na sa kani-kanilang trabaho, tulad ng cameraman, crew, stuntmen at lahat ng maliliit na manggagawa sa likod ng paggawa ng pelikula.


Malaking tulong din ito sa paglago ng ekonomiya dahil sa buwis na ibinabayad ng mga kumitang pelikula bukod sa mga buwis na ibinabayad ng mga naglalakihang artista sa pamahalaan.


Dahil din sa suporta ng publiko ay tiyak na mas madaragdagan pa ang gagawa ng magagandang pelikula na sa huli ay ang publiko rin ang makikinabang dahil mas marami na silang pagpipiliang pelikula na nais nilang panoorin.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page