top of page
Search
BULGAR

Pagbabalik ng face-to-face classes sa bansa, pag-aralan at paghandaan!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | February 18, 2021



Habang papalapit ang inaasahang pagsisimula ng COVID-19 vaccination program sa ating bansa, makatutulong kung pag-aaralan na rin ng Department of Education (DepEd) at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Estados Unidos sa pagbabalik ng face-to-face classes.


Isang artikulo ang ating nabasa mula sa mga eksperto ng CDC nito lang Enero kung saan base sa kanilang rekomendasyon, ang muling pagkakaroon ng face-to-face classes ay posible kung mapipigilan ang pagkalat ng virus sa mga komunidad at patuloy na ipatutupad ang health protocols. Kabilang ang regular na paghuhugas ng mga kamay, paggamit ng alcohol, pagsuot ng face mask at pagpapatupad ng physical distancing.


Lumabas sa ulat ng mga taga-CDC na sa loob ng siyam na linggo sa mga huling buwan ng 2020, naitala sa 11 na school districts sa North Carolina na 32 lamang ang naging kaso ng COVID-19 sa mga paaralan sa 90,000 na mga mag-aaral at mga kawani. Samantalang umabot sa 773 ang kaso ng COVID-19 na naitala sa mga komunidad.


Sa 17 paaralan naman ng elementary at high school sa Wisconsin, kung saan mahigpit ang regulasyon sa pagsusuot ng face masks, pito lamang sa halos 200 na naitalang kaso sa mga mag-aaral at mga kawani ang napatunayang nagmula sa mga paaralan. Nakalap ang mga datos na ito sa loob ng 13 linggo sa mga huling buwan ng 2020.


Kung papayagan lang din natin ang mga batang lumabas ng kanilang bahay, mas mainam na sa eskuwelahan na lamang din sila magpunta lalo na sa mga low-risk areas o mga lugar na wala o kakaunti lang ang kaso ng COVID-19. May malaking maitutulong pa ito sa kanilang kapakanan kung magagabayan sila ng personal ng kanilang mga guro sa kanilang mga aralin at makakasalamuha pa nila ang kanilang mga kamag-aral.


Nais nating bigyang-diin na may higit 400 munisipalidad sa buong bansa ang walang kaso ng COVID-19 batay sa pinakahuling tracker ng University of the Philippines. At naniniwala ang inyong lingkod na ang pagkakaroon ng ligtas na pagbubukas ng mga paaralan sa mga lugar na ito ay tutugon sa mga problema na kinakaharap ng distance learning tulad ng mahinang internet connection at kakulangan ng pakikipag-ugnayan sa mga guro.


Kaugnay din d’yan ang ating mariing panawagan na isama sa listahan ng mga prayoridad na uunahing pabakunahan kontra COVID-19 ang ating mga guro upang makamit ang ligtas na face to face classes.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ‘yan ang patuloy nating tinututukan at binabantayan bilang paghahanda sa malalaki at mahahalagang pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa sa gitna ng pandemya.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page