ni Gerard Peter / VA - @Sports | May 24, 2021
Kasunod ng pag-apruba ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na maisama sa mga prayoridad ang national athletes at coaches na sasabak sa Tokyo Olympics at 31st SEAG na mabigyan ng bakuna, hindi na magpapatumpik-tumpik pa ang Philippine Olympic Committee (POC) na gawin agad ang hakbang para sa parehong delegasyon.
Inanunsiyo ni POC President Abraham “Bambol” Tolentino na isasagawa na ang agarang pagbabakuna sa lahat ng Olympics at SEA Games bound na athletes, coaches, officials, media at lahat ng kasama sa dalawang malaking kompetisyon sa Biyernes sa Manila Prince Hotel sa San Marcelino sa Ermita, Manila.
“Inaprubahan na rin ang ating vaccination day sa Friday, exclusive for Olympic (bound) at SEAG (bound) delegates, maghapon iyon, kasama ang lahat ng coaches, athletes, officials, media, journalists, lahat ng bound for Tokyo and SEA Games na nandito sa Manila within that day,” pahayag ni Tolentino, kahapon ng umaga sa weekly PSA Forum webcast. “Kailangang makipag-coordinate na sa POC para maibigay na namin iyong total persons na darating sa Biyernes,” dagdag ng sports official, matapos maaprubahan ang ipinadalang sulat ng national Olympic body noong Mayo 18 sa IATF na gawing prayoridad ang mga Tokyo at SEAG bound delegates.
Tugon ang hakbang na ito sa ipinalabas na kautusan ng Vietnam Southeast Asian Games Organizing Committee na magpapatupad sila ng “No vaccine, No participation” policy sa lahat ng delegasyon ng 11 bansa sa darating na biennial meet.
“Karugtong ito ng announcement ng Vietnam na “No Vaccine, no Participation” Policy, so pasalamat po tayo sa national government na inapronahan iyon, iyong request na mabakunahan na. So with that, yung Olympic bound, kakaunti lang naman iyon, all Vietnam bound, maybe less than a thousand or more, definitely sasabak tayo sa Vietnam because of that vaccination policy,” paglalahad ng 57-anyos na pinuno rin ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling).
Comments