top of page
Search
BULGAR

Pagbabakuna sa polling precincts, ‘di tama – Garcia

ni Lolet Abania | May 4, 2022



Mariing tinanggihan ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia ang paglalagay ng mga COVID-19 vaccination sites sa mga polling precincts dahil hindi aniya ito ang tamang venue at posibleng magdulot ng kalituhan sa mga botante para sa eleksyon.


Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum ngayong Miyerkules, ipinaliwanag ni Garcia na kahit hindi pa natatanggap ng kanyang opisina ang anumang recommendation letter mula sa Department of Health (DOH) hinggil sa paglalagay ng mga vaccination centers para sa mga botante sa nalalapit na May 9 elections, hindi niya ito aaprubahan dahil ang pagsasagawa nito aniya, “not the proper time.”


“Ako po personally, as a member of the Commission, mukhang hindi po yata tama, sa aking palagay. With all due respect sa DOH, siyempre po we have to focus sa elections muna. We have to allow our voters to vote first. ‘Wag na muna natin isabay sa pagboto,” giit ni Garcia.


Ipinunto rin ng opisyal na ang pagkakaroon ng mga vaccination sites sa mga polling precincts ay maaaring magdulot sa mga botante ng maling impresyon na kailangan muna nilang magpabakuna bago sila papayagang makaboto.


“Baka sabihin ng mga botante na requirement pala ang pagbabakuna eh, baka matakot ‘yung iba na pumunta lalo na ‘yung unvaccinated dahil sa kanilang paniniwala kung personal man o religious o whatever,” dagdag ni Garcia.


Nitong Lunes, sinabi ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana, na miyembro rin ng DOH Technical Advisory Group, na mas mabuti para sa mga botante kung mabibigyan sila ng oportunidad na makuha ang kanilang COVID-19 vaccines o booster shots na isasagawa malapit sa mga voting precincts upang madagdagan ang vaccine coverage ng bansa.


Sa kabila ng pagdidiin na hindi siya laban sa pagbabakuna, iginiit ni Garcia na ang Mayo 9 ay dapat para lamang sa eleksyon at ang mga polling centers ay fully-controlled na ng Comelec, kaya aniya anuman ang mangyari sa panahong iyon, sakop ito ng kanilang hurisdiksyon.


Kaugnay nito, tinanong si Garcia kung imumungkahi niya sa gobyerno ang pagsuspinde ng national COVID-19 vaccination sa May 9 elections para mapayagan ang publiko na makaboto, aniya, “Yes. Siguro naman hindi malaking kawalan din kung isang araw na lang ‘yun ay ma-reserve na natin sa pagboto ng mga kababayan natin.”


Una nang ipinahayag ni Garcia na hindi mandatory para sa mga registered voters na magprisinta ng COVID-19 vaccination card at negative result ng RT-PCR o antigen test bago bumoto. Ang kailangan lamang ng mga botante ay magdala at isuot ang kanilang face masks, gayundin, hindi na required sa mga polling precincts ang pagsusuot ng face shields.


Kommentare


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page