ni Lolet Abania | January 20, 2022
Pinag-iisipan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang posibilidad na payagan ang mga workplaces o mga lugar na pinagtatrabahuhan bilang vaccination sites, para mas maging madali sa mga empleyado na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 na maturukan ng vaccine.
“Opo, tinitingnan din natin ito. Gawin nating mas accessible ‘yung mga bakuna sa mga manggagawa,” ani DOLE Undersecretary Benjo Santos Benavidez sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na pitong pharmacies at clinics sa National Capital Region (NCR) ang pinayagan ng gobyerno na mag-administer ng primary doses at booster shots sa gitna ng COVID-19 surge sa bansa.
Tinawag ang programa na “Resbakuna sa mga Botika”, kung saan target na makapagbakuna ng 3,500 shots sa kanilang pilot run na nagsimula na ngayong araw, Enero 20 hanggang 21.
“Ang alam ko ngayon nga ay merong pilot implementation na ang pagbabakuna ay nasa mga piling mga botika na. Sana ‘yung pagbabakuna ay ituloy-tuloy na rin sa mga pagawaan,” sabi ni Benavidez.
Aniya, ang mga nakibahaging mga botika at clinics sa Metro Manila sa nasabing programa ay The Generics Pharmacy, Generika Drugstore, Mercury Drug, Southstar Drug, Watsons, Healthway, at QualiMed Clinic.
Ayon kay Benavidez, ito ay bilang konsiderasyon sa naging usapin hinggil sa “no vaccination, no ride” policy na ipinatupad ng gobyerno, kung saan nagbabawal sa mga unvaccinated individuals na sumakay sa mga pampublikong transportasyon na sinimulan noong Lunes, Enero 17.
Gayunman, matapos ang hinaing ng publiko, nilinaw ng mga opisyal ng gobyerno nitong Martes na exempted ang lahat ng workforce o mga manggagawa mula sa naturang polisiya dahil sa pagbibigay ng mga ito ng kanilang essential services.
Comments