top of page
Search
BULGAR

Pagbabakuna sa mayorya ng Pilipino, ‘wag puro pramis!

ni Ryan Sison - @Boses | August 28, 2021



Sa Enero 2022, target ng pamahalaang mabakunahan ang lahat ng Pilipino kontra COVID-19.


At para maisakatuparan ito, sinabi ng Department of Finance (DOF) na may tiyak nang suplay ng bakuna. Ayon kay Finance Sec. Carlos Dominguez III, na-secure o tiyak nang may 194.89 milyong doses ng bakuna, na kayang maiturok sa higit 150 milyong katao. Aniya, galing ang mga naturang bakuna mula sa donasyon, binili ng pribadong sektor at binili ng gobyerno.


Gayunman, sa susunod na buwan, may inaasahan pang darating na 42.11 milyong doses at karagdagang 103.59 milyong doses mula Oktubre hanggang Disyembre.


Samantala, base sa ulat ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., nasa mahigit 42 milyong doses ng COVID-19 vaccines sa 48.8 milyong doses na nakuha ng gobyerno ang na-deploy na sa iba’t ibang vaccination sites sa bansa.


Sa ngayon, nasa 13.3 milyong mga Pilipino na ang fully vaccinated, habang nasa higit 18 milyon ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna.


Kung magkakaroon ng sapat na suplay ng bakuna kontra COVID-19 bago matapos ang taon hanggang Enero 2022, good news ito para sa lahat. Ibig sabihin, mas marami nang matuturukan, pero ang tanong, lahat ba ay handa nang magpabakuna?


Hindi maitatangging marami pa ring desisido na hindi talaga magpabakuna at mayroon ding nagdadalawang-isip pa dahil napangungunahan ng takot. Kaya panawagan sa mga kinauukulan, tutukan pa rin ang pagpapalakas ng tiwala ng taumbayan sa bakuna.


Baka kasi bili tayo nang bili at tuloy nga ang pagbabakuna, pero ang ending ay masasayang lang ang mga ito dahil ayaw magpaturok ng iba.


Sana ay hindi na ito hanggang pangako na lang. Sa pagkakataong ito, dapat makita at maramdaman ng taumbayan na may ginagawa kayo para tugunan ang kanilang mga hinaing.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page