top of page
Search
BULGAR

Pagbabakuna sa kabataan, kailangan upang makabalik sila sa paaralan

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 10, 2021



Bilang Chairman ng Committee on Basic Education Arts and Culture sa Senado, suportado ng inyong lingkod ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad kontra COVID-19 dahil makatutulong ito sa pagbabalik-normal ng sektor ng edukasyon at sa ligtas na muling pagbubukas ng mga eskuwelahan.


Nitong linggo lang ay inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na papayagan nang bakunahan ang mga batang may edad na labing anim hanggang labing pitong taong gulang (16-17) na mayroong comorbidity. Kailangan lang silang makakuha ng clearance mula sa kanilang doktor.


Gayunman, sinabi ng DOH na dahil sa mababa ang panganib sa mga kabataan na mahawa ng COVID-19 at hindi pa sapat ang mga bakunang dumarating sa bansa, uunahin na lang muna raw na bakunahan ang mga nasa priority list. Kung ikukumpara ang sitwasyon sa Amerika kung saan maraming kabataan na ang naospital o kaya ay dinala sa Intensive Care Unit (ICU), halos kalahati na ng populasyon ng mga nasa edad na 12 pataas ay naturukan na ng bakuna.


Habang hinihintay natin ang bakuna para sa kabataan, mainam na rin na maghanda ang mga lokal na pamahalaan para sa kanilang pagbabakuna. Bahagi ng paghahanda ang pagpapakilos sa mga health workers hanggang sa lebel ng barangay. Dapat ding maging katuwang ang mga paaralan sa programa ng pagbabakuna, lalo na sa pagbibigay-impormasyon tungkol sa bisa ng bakuna.


Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, may 20 bilyong piso ang kinakailangan para mabakunahan ang 15 milyong kabataang may edad na 12 hanggang 17 habang 55 bilyong piso naman ang kinakailangan para sa mga booster shots para sa 85 milyong teenager at nakatatanda, ayon pa sa kalihim.


Mahigit 82 bilyong piso ang inilaan ng gobyerno para sa pagbabakuna ngayong taon pero sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado na kakailanganin pa ng dagdag-halaga para mabakunahan ang mas marami pang Pilipino tungo sa pagkakaroon ng herd immunity. Upang makalikom ng sapat na pondo para sa pinalawig na vaccination program, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order (AO) No. 41. Sa ilalim ng naturang AO, dapat tukuyin ng mga ahensiya at tanggapan sa ilalim ng ehekutibong sangay ng ating pamahalaan ang kanilang mga savings mula sa 2020 General Appropriations Act (GAA).


Kung mababakunahan natin ang mga kabataan, tataas ang kumpiyansa nila at ng kanilang mga magulang na bumalik sa kanilang paaralan. Dapat simulan na natin ngayon ang paghahanda upang maayos at mabilis na maipamahagi ang mga bakuna para sa kanila.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page