ni Lolet Abania | February 3, 2022
Ipinagpaliban ng gobyerno ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 at gagawin na lamang sa Lunes, Pebrero 7 dahil sa tinatawag na logistical challenges.
Sa isang statement, ayon sa Department of Health (DOH), ang reformulated Pfizer vaccines ay darating ng gabi sa Pebrero 4, ang araw na nakaiskedyul ang initial rollout.
Unang sinabi ng ahensiya na tinatayang nasa 780,000 doses ng COVID-19 vaccines ang darating ngayong Huwebes.
“To ensure adequate preparation and distribution of the Pfizer vaccines allocated for children aged 5-11 years old, the COVID-19 vaccination of 5-11 years old will begin on 7 February,” pahayag ng DOH.
Binanggit din ng Malacañang na ang inisyal na pagbabakuna ay isasagawa sa anim na vaccination sites sa National Capital Region sa Biyernes.
Kabilang sa vaccination sites ang Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Manila Zoo, SM North Edsa (Skydome), at ang Fil Oil Gym sa San Juan City.
Comments