ni Lolet Abania | January 25, 2022
Nakatakdang simulan ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataan na nasa edad 5 hanggang 11 sa Pebrero 1, na inisyal na isasagawa sa National Capital Region (NCR), ayon sa National Task Force Against COVID-19 (NTF).
Sa Laging Handa public briefing ngayong Martes, sinabi ni NTF medical adviser Dr. Ted Herbosa na ang unang batch ng Pfizer COVID-19 vaccines na may formulation para sa naturang age group ay darating sa bansa sa Enero 31.
“Mag-uumpisa tayo sa NCR starting February 1, ang unang linggo ng February 1.
Darating dito ng January 31 ang unang delivery ng 50 million doses na ating in-order,” sabi ni Herbosa.
Ayon kay Herbosa, tinatayang 780,000 doses ng COVID-19 vaccines na nakalaan sa mga kabataan ay inaasahang darating sa Enero 31, habang kasunod nito ang marami pang deliveries sa mga susunod na araw.
Palalawigin naman ng gobyerno aniya, sa buong bansa ang pagbabakuna ng mga edad 5 hanggang 11 sa kalagitnaan ng Pebrero.
Sinabi pa ni Herbosa na nasa tinatayang 7 milyong kabataan, ang bilang ng naturang age group.
Comments