top of page
Search
BULGAR

Pagbabakuna ng mga batang babae vs. cervical cancer

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 19, 2024



Boses by Ryan Sison

Isa sa mabisang proteksyon upang hindi tamaan ng anumang sakit, partikular na sa mga kababaihan, ay ang pagpapabakuna kontra rito.


Kaya naman inanunsyo ng Department of Health (DOH) para sa lahat ng 9-anyos na batang babae na gustong tumanggap o magpaturok ng human papillomavirus (HPV) vaccine na maaaring gawin ito at libre sa 2025, kasunod ng pag-apruba ng pondo mula sa ating gobyerno.


Kinumpirma ito ni DOH Secretary Ted Herbosa, kung saan hiniling niya at tumanggap din siya ng approval mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang tustusan ang parehong doses ng HPV vaccine, na tumutulong sa pagprotekta sa mga kababaihan mula sa cervical cancer.


Ayon kay Herbosa, ang isang hiningi niya sa Pangulo ay pondohan ang HPV vaccination para sa lahat ng 9-taong gulang na babae. Aniya, nagkakahalaga ng P4,000 ang isang dose nito, at may dalawang doses na kailangan, at pumayag naman si PBBM.

Sinabi rin ng kalihim na sa ngayon ay pinopondohan na nila ito para sa susunod na taon (2025), lahat ng mga batang babae na gusto ng HPV vaccination ay makatanggap nito.


Ang naturang funding ay batay sa inisyatiba ng Bakuna-Eskwela, isang school-based nationwide vaccination program na inilunsad noong October 7 ng DOH at ng Department of Education (DepEd).


Ang programa ay naglalayon na mabakunahan ang mga school-age children o mga batang nag-aaral laban sa vaccine-preventable diseases (VPDs), kabilang na ang tigdas o measles, rubella, diphtheria, tetanus, at cervical cancer (sa pamamagitan ng HPV vaccine para sa mga kababaihan).


Gayundin, plano nilang maturukan ang hindi bababa sa 3.8 milyong mga mag-aaral sa Grade 1 at Grade 7 sa mga pampublikong paaralan ng measles-rubella at tetanus-diphtheria vaccines. Nasa higit 900,000 babaeng Grade 4 students naman sa mga piling pampublikong eskwelahan ang target din nilang makatanggap ng HPV vaccine.


Mas mainam na pangalagaan natin ang kalusugan ng ating mga anak at proteksyunan sila laban sa mga nagkalat na sakit, lalo na ang cancer.


Habang maaga pa ay gawin nating pabakunahan sila kung mayroon din lang naman na libreng vaccination na isinasagawa ang ating gobyerno.


Hindi kasi biro ang magkaroon ng cervical cancer dahil marami na rin ang namatay na kababaihan sa sakit na ito, kung saan kadalasan bago ma-detect ay nasa malala na palang kalagayan at napakahirap nang gamutin. 


Kaya payo natin sa mga magulang na huwag nang mag-atubili o magdalawang-isip pa sakaling simulan na ang pagpapatupad ng free HPV vaccination ay paturukan ang ating mga anak na babae nang sa gayon ay lumaki silang malusog, masigla at malayo sa sakit.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page