ni Lolet Abania | February 28, 2021
Ikinasa na ang pagsisimula ng pagbabakuna ng COVID-19 vaccines sa bansa na nakatakda bukas, Marso 1, sa mga COVID-19 referral hospitals sa Metro Manila matapos na dumating ngayong Linggo ang donasyon na 600,000 doses ng CoronaVac vaccine ng Chinese company na Sinovac.
Ayon sa Philippine Information Agency (PIA), isasagawa ang ceremonial vaccination bukas sa Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the Philippines, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Veterans Memorial Medical Center, Philippine National Police General Hospital at V. Luna General Hospital na dadaluhan ng mga opisyal ng gobyerno.
Magiging simultaneous ang programa na magsisimula nang alas-9:00 ng umaga. Inaasahan ang pagdalo sa UP-Philippine General Hospital nina Vaccine Czar Carlito Galvez, Presidential Spokesperson Harry Roque at Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo.
Kabilang din sa mga dadalo sa programa sina MMDA Chairman Benhur Abalos, Manila Mayor Isko Moreno at Dr. Maria Paz Corrales, assistant regional director ng DOH-NCR.
Sa advisory ng PIA, sina PGH Director Dr. Gerardo Legaspi at PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario ang magbibigay ng welcome address sa nasabing programa.
Sa Lung Center of the Philippines inaasahan namang pumunta sina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, MMDA General Manager Jojo Garcia, Quezon City Mayor Joy Belmonte at Dr. Corazon Flores, regional director ng DOH-NCR.
Inaasahang dumalo sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Medical Center and Sanitarium (Tala) sina Testing Czar Vince Dizon, Caloocan City Mayor Oscar Malapitan, MMDA Chief of Staff Michael Salalima at DOH Asec. Elmer Punzalan.
Maliban sa mga referral hospitals, nakatakda ring magkaroon ng programa sa Veterans Memorial Medical Center, kung saan inaasahang pupunta sina Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana at DOH Director Napoleon Arevalo.
Kabilang din ang Philippine National Police General Hospital na inaasahang dadaluhan nina Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Bernardo Florece, PNP Chief Debold Sinas at DOH Director Aleli Annie Grace Sudiacal.
Samantala, alas-10:00 ng umaga naman ang programa sa V. Luna Medical Center. Inaasahang pupunta sina AFP Chief of Staff Cirilito Sobejana, Surgeon Gen. Nelson Pecache, Quezon City Mayor Joy Belmonte at Dr. Corazon Flores, regional director ng DOH-NCR.
Dumating nang alas-4:10 ngayong hapon ang COVID-19 vaccine na Sinovac ng China sa Villamor Airbase na sinalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kasunod nito, dadalhin sa DOH cold storage facility sa Marikina City ang mga naturang bakuna.
Comments