ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | November 4, 2021
“Baliw ka!” Nakasanayan na ‘tong sabihin ng napakaraming Pinoy bilang joke, pero sa totoo lang, ang salitang baliw o sakit sa pag-iisip ay tunay na kondisyon na nangangailangan ng medikal na atensiyon. Kung kaya’t mapapansin ninyong dumadalas ang mga mental health na seminar at programa, lalo na sa social media na naglalayong tulungan ang mga nakararanas ng tinatawag na mga problema sa kalusugan ng kanilang pag-iisip. Kung noong unang panahon, tila ikinahihiyang pag-usapan ang suliraning ito at nahihiya rin ang mga nakararanas ng ganitong karamdamang lumantad at humingi ng tulong, ngayon ay mas bukas na ang pag-iisip ng publiko na tanggapin ito bilang isang komon na problema.
Yes! Common at hindi dapat ikahiya ang pagdanas ng mga suliranin sa pag-iisip, lalo na nitong pandemya kung kailan napakarami ang nakaranas ng depresyon at agam-agam.
Laman ng mga balita bago magpandemya ang tumataas na bilang ng mga nagpapakamatay dahil sa depresyon, lalo na sa kabataan, ngunit ang magandang balita ay kaya itong maagapan. Ang problema ay marami pa rin ang nakararanas ng depresyon ang hindi humihingi ng tulong at kinikimkim ang labis na sama ng loob na nakakaapekto sa kanilang kalusugang pang-isipan. Kadalasan din ay hindi napapansin ng mga dumaranas ng mga problemang ito na kailangan na nila ng tulong, at sa kasamaang-palad, madalas ay huli na kapag nalalaman ng kanilang mga mahal sa buhay na may matindi na may matindi na pala silang pinagdaanan. Madalas ay nagpapanggap sila ng pagiging masayahin kaya mas mahirap silang matulungan maliban na lamang kung sila na mismo ang magsasabi. Ang good news ay maaari itong maagapan. Ilang tips upang malaman kung ang mahal mo sa buhay o ikaw mismo ay nakararanas na ng problema sa pag-iisiip, kabilang na ang depresyon o ang pagtaglay sa matagal na kalungkutan:
Paninibago sa appetite o gana sa pagkain
Paninibago sa timbang
Pagbabago ng pagtulog, na maaaring napakatagal matulog o palaging puyat
Palaging pagkapagod
Pakiramdam ng kawalan ng pag-asa, kawalan ng tiwala sa sarili at mababang pagtingin sa sarili
Kawalan ng gana sa mga bagay na noo’y ikinasasaya o ini-enjoy
Kung sa tingin n’yo ay may kakilala kayong depressed o kung kayo ito mismo, maghanap ng taong makakausap ng taong may sakit. At kung ikaw ang napiling kausapin ng taong depressed, maging bukas ang inyong pag-iisip at higit sa lahat ay huwag maging judgy, mang-away o manigaw. Ang kailangan ng taong depressed ay mayroong makakausap at makauunawa. Para sa taong depressed, ito ang unang hakbang sa kanyang paggaling.
Ngunit ito ay proseso at hindi magic na mawawala na lamang. Kailangan nating alalahaning ito ay isang tunay na kondisyong medikal at hindi lamang joke at lalong hindi dapat ikahiya.
Kung kayo o kung kayo ay may kakilalang nakararanas nito, mag-email lamang sa atin sa mathayrikki@gmail.com para sa mga numerong puwede ninyong tawagan, o sumangguni sa crisis hotline numbers ng Department of Health 1553 - Luzon wide landline toll free Globe/ ™ - 0966-351-4518/ 0917-899-8727 Smart/ SUN/ TNT Subscribers - 0908-639-2672
Comments