ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 18, 2020
Dear Doc. Shane,
Problema sa thyroid ang ikinamatay ang nanay ko. Kaya ikinakatakot ko magkaroon ako nito sapagkat napansin ko na tila lumalaki ang aking kulani sa leeg. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa thyroid cancer? – Renah
Sagot
Ang thyroid ay ang maliit na organ na hugis paruparo sa gitnang bahagi ng leeg. Ito ay tinatawag ding “master controller”, dahil ito ang responsable sa paggawa, pag-imbak at paglalabas ng thyroid hormones sa dugo. Ang thyroid hormones ay may importanteng ginagampanan sa ating katawan na nakakaapekto sa utak at iba pa nating organs.
Ang thyroid cancer ay hindi tulad ng ibang cancer — ito ay malimit na mabuo sa tao ngunit may mas mataas na tsansa ng paggaling.
Ito ay uri ng cancer na malimit matagpuan sa murang edad, ngunit kadalasan, hindi tataas sa edad 55 ang nagkakaroon nito. Ang thyroid gland ay lumilikha ng thyroid hormones at kapag ang mga cells ay nagsimulang maghiwa-hiwalay nang walang tigil ay nagdudulot ito ng thyroid cancer. Ito ay sakit kung saan ang mga cells ay lumalaki ng hindi pangkaraniwan at nagkaka-potensiyal na kumalat sa iba pang parte ng katawan.
Sintomas:
Paglaki ng leeg o pagkakaroon ng bukol sa leeg at sa dakong lalagukan (Adam’s apple)
Pagbabago ng boses at malimit na pamamaos o pamamalat
Hirap sa paghinga at paglunok
May nararamdamang sakit sa leeg at lalamunan
Pagkakaroon ng namamagang mga kulani sa leeg
Tandaan:
Kapag nakaranas ang anuman sa nabanggit na sintomas, mainam na magpakonsulta agad sa doktor.
Samantala, bukod sa cancer, mayroon pang ibang kondisyon ang maaaring tumama sa thyroid gland:
Ang goiter ay ang kadalasang halimbawa ng thyroid disease sa thyroid gland. Ito ay sanhi ng kakulangan ng mineral na iodine at nagdudulot ng paglaki sa bandang leeg o dakong lalagukan (Adam’s apple) ng tao. Kapag may kakulangan ng iodine ang iyong diet, sinisikap ng thyroid na punan ito sa pamamagitan ng paglaki. Ang abnormal na paglaki ng thyroid gland ay maaaring mangyari kapag kulang ang thyroid hormones (hypothyroidism) o kapag sobra ang thyroid hormones (hyperthyroidism).
Kadalasang nadaragdagan ang timbang ng mga taong may hypothyroidism at nangangayayat naman kapag may hyperthyroidism. Nagiging maginawin ang mga may hypothyroidism at mainitin o pawisin naman ang mga may hyperthyroidism.
Nagkakaroon naman ng thyroid nodules o maliit na bukol sa thyroid kapag may abnormal na paglaki ng thyroid tissue. Maaaring mayroong isa o higit pang nodules, na kung minsan ay malignant (thyroid cancer). May mga nodules namang nagdudulot ng thyroid cancer, madalas ang thyroid nodules ay benign.
Narito ang ilan sa mga bagay na maaaring makatulong sa paglaban sa sakit na ito:
Alamin ang mga detalye tungkol dito tulad ng uri ng cancer, stage at treatment options. Maaari ring tanungin ang iyong doktor ng ibang paraan upang maging mas maalam sa sakit.
Hindi man makokontrol ang pagkakaroon ng thyroid cancer, makakatulong kung kokontrolin at aalagaan nang husto ang sarili. Maging matalino sa pagpili ng diet para sa health condition na ito. Ugaliing kumain ng prutas at gulay, matulog nang sapat na oras at sumubok ng mga physical activities.
Importante ang wastong lifestyle para makaiwas sa anumang uri ng thyroid disease. Mahalagang alam natin ang kondisyon ng ating thyroid gland dahil malaki ang bahaging ginagampanan nito sa kabuuan ng nating pangangatawan.
Ang pagiging iritable, problemado o pagkawala ng konsentrasyon ay maaaring maging dahilan ng pagkakaron ng thyroid dysfunction. Makabubuti rin ang pag-iwas sa paninigarilyo.
Comments