ni Ryan Sison - @Boses | September 26, 2021
Kung patuloy na magkakaroon ng positibong pagbabago sa National Capital Region (NCR), posibleng luwagan ang quarantine restriction sa rehiyon sa pagtatapos ng pilot implementation ng Alert Level 4 dito.
Ito ang opinyon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, kung saan umaasa rin ito na patuloy pang bubuti ang sitwasyon sa rehiyon hanggang matapos ang pilot testing ng Alert Level 4 sa Setyembre 30.
Matatandaang ang hakbang na ito ay unang ipinatupad sa Metro Manila, kasabay ng granular lockdowns sa halip na i-lockdown ang buong lungsod o rehiyon.
Gayunman, noong Biyernes, inilabas ng Malacañang ang bagong panuntunan sa Alert Level 4 sa Metro Manila, kung saan ang ilang pagbabago ay magsisimula sa Oktubre 1 kung mananatili sa Alert Level 4 ang rehiyon.
At base sa huling tala ng OCTA Research Group, bumaba pa sa .97 mula sa .99 ang reproduction number sa NCR.
Sa totoo lang, magandang balita ito para sa mga taga-Metro Manila dahil ibig sabihin, mas maraming negosyo ang makapagbubukas at maraming manggagawa ang makababalik sa kani-kanilang trabaho. Pero ang tanong, kaya at handa na ba tayo?
Talagang mahirap balansehin ang kaligtasan ng kalusugan at ekonomiya sa panahong ito, pero kung naniniwala ang mga opisyal na kakayaning magluwag, ‘wag din naman nating kalimutan ang opinyon at suhestiyon ng ating medical experts hinggil dito.
Bagama’t ‘ika nga ay hindi pa rin ito sapat na dahilan upang makampate ang lahat, ang posibleng pagluluwag ay kailangan pa ring sabayan ng ibayong pag-iingat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments