ni Thea Janica Teh | September 4, 2020
Arestado ang isang ‘di pinangalanang 40-anyos na ginang sa Santa Cruz, Maynila dahil sa
negosyo nitong pagawaan ng pekeng dokumento.
Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang Manila Police District Station 3 sa
puwesto ng ginang sa Sulu Cor. Remegio Street. Nakita ng mga ito ang mga ginagamit sa
ilegal na paggawa ng dokumento tulad ng computer at printer.
Tumambad din sa mga pulis ang mga pekeng IATF ID, quarantine pass at travel authority ng Joint Force COVID Shield na makukuha lamang sa istasyon ng pulis.
Bukod pa rito, nagkalat din ang mga medical certificate gamit ang pangalan ng ilang ospital at clinic. Karamihan dito ay mga resulta ng swab test at rapid test mula sa Manila Health Department.
Nagkaroon umano ng lead ang mga pulis matapos may mahuling gumagamit ng pekeng
travel authority mula sa kanilang istasyon na hindi naman sa kanila nanggaling.
Ayon kay Police Lt. Col. John Guiagui, hepe ng MPD station, matapos ang insidenteng ito ay itinuro na sa kanila kung saan ito nagpagawa. Sa halagang P300 ay nakakuha na ito ng dokumento.
Sagot naman ng suspek, pinapa-scan lamang ng mga customer ang kanilang dokumento at taga-imprenta lamang sila.
Agad na isinara ang puwesto at nahaharap ngayon ang may-ari nito ng kasong falsification and use of falsified document.
Comments