ni Gerard Peter - @Sports | July 15, 2021
Target ng Jumbo Plastic Basilan Riders at Pagadian Explorers na manatiling undefeated at sumosyo sa top spots, habang puntiryang makabawi ng parehong ALZA-Alayon Zamboanga del Sur at Kapatagan Buffalo Braves mula sa nakaraang pagkatalo sa pagpapatuloy ng elimination round ng Mindanao division ng Chooks-to-Go Pilipinas Vis-Min Super Cup ngayong araw sa Ipil Provincial Gymnasium sa Zamboanga Sibugay.
Parehong naging matagumpay sa pagpapadapa sa kani-kanilang mga katunggali ang Basilan Riders at Explorers sa magkahiwalay na tagpo na nakatakdang magtapat sa main game ng 2 p.m. samantalang susubukang makaahon sa masamang laro ng ALZA-Alayon at Buffalo Braves sa opening game ng 12 p.m.
Noong Martes ay galing sa isang laro ang Peace Riders kontra sa Petra Cement Roxas Vanguards, ngunit napagdesisyunang ipatigil ang laban dahil sa madulas na sahig.
Lamang ang Vanguards sa 40-39. Dahil rito nananatiling tig-isang laro pa lang ang Basilan at Zamboanga del Sur matapos maging parte ng insidente sa magkahiwalay na laro.
Sa pakikipagtuos ng Basilan, muling susubukang makapanggulat ni Michael Mabulac nang kumamada ng team-high 16 points sa opening game kontra ALZA-Alayon sa 82-48. Susuporta sa kanya sina Hesed Gabo, Chris Bitoon, Bobby Balucanag at Michael Juico, habang planong sundan ni dating Centro Escolar University Scorpions standout Rich Guinitaran ang explosibong performance kontra JPA Zamboanga City na bumitaw ng 26 puntos. Paniguradong nakaalalay Kean Caballero, Christian Manalo, Vom Lloyd Dechos, at dating De La Salle center Mark Benitez.
Babawi sa pagkakasadlak ang ALZA-Alayon na sasandal muli kay dating San Beda Red Lions captain at champion Dan Sara, katulong sina John Jabello, JR Raflores, Archie Cabrila at Jeff Tajonera. Matapos makuha ng Buffalo Braves ang unang panalo kontra Archangels, nawala ang tapang nito sa huling laro laban sa Zamboanga City ng maibaon ito sa 36-points. Kinakailangang magdoble kayod sina Marlon Monte, Renz Palma, Alex Mandreza, Achie Inigo at dating Brgy. Ginebra sniper Teytey Teodoro upang makatuntong sa magandang posisyon.
Comments