ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney Marso 9, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay nag-a-apply ng loan sa isang bangko, at kasama sa mga dokumentong pinapipirmahan sa akin ay ang aking pagpayag na isumite ang ilan sa aking impormasyon, partikular na ang aking basic credit data sa Credit Information Corporation sapagkat ang pagsusumite ng nasabing impormasyon ay kinakailangan diumano gawin ng mga bangko. Ako ay nangangamba na ang aking personal na impormasyon ay maaaring makita ng ibang bangko kaya gusto kong malaman kung maaari bang magpalitan ang mga bangko ng aking mga impormasyon, partikular sa aking loan na kinuha sa isang bangko? – Sandra
Dear Sandra,
Ang mga batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act (R.A.) No. 10173 o mas kilala bilang Data Privacy Act of 2012, at ang Republic Act (R.A.) No. 9510 o kinikilala bilang Credit Information System Act. Nakasaad sa Section 13 ng R.A. No. 10173 na:
“SEC. 13. Sensitive Personal Information and Privileged Information. – The processing of sensitive personal information and privileged information shall be prohibited, except in the following cases:
(b) The processing of the same is provided for by existing laws and regulations: Provided, That such regulatory enactments guarantee the protection of the sensitive personal information and the privileged information: Provided, further, That the consent of the data subjects are not required by law or regulation permitting the processing of the sensitive personal information or the privileged information;”
Kaugnay nito, nakasaad sa Sections 4 at 5 ng R.A. No. 9510 na:
“Section 4. Establishment of the Credit Information System. - In furtherance of the policy set forth in Section 2 of this Act, a credit information system is hereby established.
(a) Banks, quasi-banks, their subsidiaries and affiliates, life insurance companies, credit card companies and other entities that provide credit facilities are required to submit basic credit data and updates thereon on a regular basis to the Corporation.
xxx
(j) Special accessing entities shall be entitled access to the Corporation’s pool of consolidated basic credit data, subject to the provisions of Section s 6 and 7 of this Act and related implementing rules and regulations.”
Alinsunod sa mga nabanggit na probisyon ng batas, bagama’t ipinagbabawal ang pagproseso ng sensitive personal information at privileged information ng isang tao, ito ay may mga itinalagang eksempsyon, partikular na ang ilang mga transaksyon sa bangko. Ang mga bangko ay marapat na magsumite sa Credit Information Corporation (CIC) ng basic credit data, o ang mga impormasyong ibinigay ng sinumang aplikante o nakatanggap na ng credit facility nito. Ang nasabing impormasyon ay maaaring magamit ng iba pang bangko na awtorisado ng CIC upang malaman ang credit history at financial condition ng sinumang magnanais na makinabang sa credit facility ng isang bangko.
Sa iyong sitwasyon, at sa kadahilanang ikaw ay nag-a-apply ng loan sa isang bangko, tungkulin ng nasabing bangko na isumite ang iyong basic credit data sa CIC sapagkat ang nasabing responsibilidad ay itinalaga ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments