ni Lolet Abania | September 1, 2022
Awtomatiko na ngayong suspendido ang mga klase sa lahat ng levels at trabaho sa mga pampublikong paaralan sa mga lugar kung saan itinaas ng PAGASA ang public storm signals, rainfall at flood warnings, ayon sa isang Department of Education (DepEd) order na ini-release ngayong Huwebes.
Batay sa DepEd Order (DO) 37, na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, nakasaad na sa panahon ng mga bagyo, ang mga klase ay suspended sa mga lugar na nag-isyu ng Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) 1, 2 ,3, 4, o 5 ang PAGASA.
Gayundin, ipapatupad ang class suspension sa mga paaralan na itinuturing na mga lugar na nag-isyu ng Yellow, Orange, o Red Rainfall Warning, o Flood Warning ng PAGASA.
Sakali na ang TCWS, Rainfall Warning, o Flood Warning ay inisyu at ang mga klase ay nagsimula na, iniutos ng DepEd na agad na isuspinde ng mga paaralan ang mga klase at trabaho, at pauwiin ang lahat, kung ito ay ligtas na gawin.
Gayunman, obligado ang mga paaralan na panatilihin ang mga estudyante at personnel sa loob ng campus kung ang pag-travel ng mga ito pauwi ay magiging mapanganib para sa kanila.
Ang mga local chief executives, ang magpapasya rin sa suspensyon ng klase sa mga kaso kung saan mayroong malalakas na bugso ng hangin, torrential rains, o mga pagbaha sa ispesipiko o lahat ng mga lugar ng LGU, subalit hindi covered ng PAGASA warning.
Sa kaso ng mga private schools, community learning centers, state at local universities and colleges (SUCs/LUCs), ayon sa DepEd, mayroon silang option kung susundin o hindi ang probisyon ng naturang DO.
Sa mga kaso ng lindol, batay sa DO, ang mga klase sa lahat ng levels ay awtomatikong kanselado sa mga lugar kung saan idineklara ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang lindol na may Phivolcs Earthquake Intensity Scale (PHEIS) V o pataas.
May kalayaan naman ang mga local chief executives na ikansela ang mga klase sa mga kaso kung ang PEIS ay IV at pababa.
Maaari rin ang mga school principals na magkansela ng mga klase sa anumang PEIS, kung sa kanilang assessment, ang mga gusali ng kanilang paaralan at iba pang istruktura ay nakikitaan ng panganib na mag-collapse o makitaan ng malaking pinsala.
Ayon pa sa DepEd, “In case of class suspension due to these events, distance learning or make up classes will be implemented to ensure that learning competencies and objectives are still met.”
“Students who also miss learning activities due to such events shall also be accorded due consideration in the completion of their learning tasks,” dagdag pa ng ahensiya.
Comments