ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 22, 2025
KATATAPOS LANG MANAWAGAN ANG INC NG PAGKAKAISA, NAGBANGAYAN NA NAMAN SINA EX-P-DUTERTE AT PBBM -- Matapos ang National Rally for Peace ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) noong Jan. 13, 2025 para sa panawagang pagkakaisa ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan ay nitong nakalipas na Jan.18 ay ibinulgar ni ex-P-Duterte na sa pinirmahan daw ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa 2025 General Appropriations Act (GAA) ay marami raw blangkong sections dito, at ayon sa dating presidente ay labag daw sa batas ang ginawang ito ni PBBM. Ang resbak naman dito ng Presidente ay sinungaling daw ang ex-president dahil wala raw blangko sa kanyang pinirmahang 2025 GAA.
Mantakin n’yo, nanawagan na nga ang INC na sila ay magkasundo, tapos nagbangayan na naman, tsk!
XXX
MGA ‘BUWAYA’ KINABAHAN SA PANAWAGAN NI EX-P-DUTERTE NA HUWAG MAGBAYAD NG TAX KASI KAPAG SINUNOD ITO WALA NA SILANG MAKUKURAKOT -- Nanawagan si ex-P-Duterte sa mamamayan na huwag nang magbayad ng buwis dahil ilegal daw ang ginawang pagpirma ni PBBM sa 2025 GAA dahil nga raw ay maraming blangkong nakasaad dito sa nilagdaan ng Presidente.
Hindi man aminin ay siguradong maraming ‘buwaya’ sa pamahalaan ang kinabahan sa panawagang ito ni ex-P-Duterte kasi kapag sinunod siya ng mamamayan na huwag nang magbayad ng buwis ay wala nang makukurakot ang mga tiwali sa pamahalaan, boom!
XXX
NILILITO, ‘INUUNGGOY’ NG KAMPO NINA YORME ISKO AT MAYORA HONEY SA SURVEY ANG MGA TAGA-MANILA -- Nalilito ang mga taga-Maynila kung sino kina incumbent Manila Mayor Honey Lacuna at former Mayor Isko Moreno ang malakas na kandidato sa pagka-alkalde ng lungsod.
Matapos na isapubliko ng kampo ni Yorme Isko na siya ang top sa survey ay naglabas din ng survey ang kampo ni Mayora Honey na siya raw ang totoong top sa survey.
Aba’y kung may ibang kandidato pa sa pagka-alkalde sa Maynila ‘yun na lang mainam na iboto ng mga Manileno kasi sa resulta palang ng survey, nililito at ‘inuunggoy’ na ng kampo nina Yorme Isko at Mayora Honey ang kanilang mga constituent sa lungsod, period!
XXX
“WA’ ‘WENTA” ANG DA SEC., IMBES GUMAWA NG PARAAN PAANO MATUPAD P20 PER KILONG PROMISE NI PBBM, IBINIDA PA ANG MATAAS NA P58 PER KILONG BIGAS -- Ibinida ni Sec. Francisco Tiu Laurel ng Dept. of Agriculture (DA) na halos lahat daw ng mga manininda ng bigas ay sumunod sa kautusan niyang P58 per kilo price cap sa mga imported rice.
Isa si Sec. Laurel sa mga miyembro ng Gabinete ng Marcos admin ang “wa’ ‘wenta,” kasi imbes gumawa siya ng paraan paano matutupad ang P20 per kilong bigas na promise ni PBBM sa mamamayan, eh nagawa pang ibida ang napakamahal na P58 per kilong price cap sa mga imported rice, pwe!
Commentaires