top of page
Search
BULGAR

Pag-raid sa mga online prostitution den, ‘wag tantanan

ni Ryan Sison @Boses | Oct. 16, 2024



Boses by Ryan Sison

Kung mas maraming gagawing pag-raid ang mga otoridad sa mga online prostitution den, mas marami rin silang maililigtas na magiging biktima.


Ayon sa pulisya, nasa 10 biktima, kabilang ang limang menor-de-edad, ang kanilang nasagip mula sa dalawang umano’y online prostitution den sa Quezon province.

Sinabi ni Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) chief Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga, isinagawa ang mga operasyon kamakailan, matapos ang mga operatiba ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) 4-A (Calabarzon) ay nakakuha ng dalawang warrant para ipatupad ang search, seize at i-examine ang computer data ng mga naturang den, mula sa Calamba City, Laguna Regional Trial Court.


Unang sumalakay ang ACG operatives sa isang bahay sa Tayabas City, kung saan limang suspek ang kanilang inaresto at na-rescue ang apat na biktima -- dalawang lalaki at dalawang menor-de-edad na babae.


Ang sumunod na operasyon ay isinagawa naman sa isa pang bahay na ino-operate ng mga suspek sa Lucena City, kung saan anim na biktima – tatlong lalaki at tatlong menor-de-edad na lalaki ang kanilang nailigtas.


Batay sa pulisya nag-ugat ang mga operasyon sa mga impormasyon na ang mga suspek ay nag-o-operate ng mga online prostitution den sa dalawang bahay. Nakumpirma ito ng RACU 4-A sa pamamagitan ng kanilang cyber patrolling, surveillance, at mga online investigation.


Pahayag pa ni Cariaga na batay sa mga ebidensyang nakalap sa operasyon, ang mga prostitution den ay nagkikipagtransaksyon sa mga dayuhang kostumer.


Binigyang-diin naman niya na ang website system na ginamit ng mga suspek ay idinisenyo para awtomatikong tanggihan o i-decline ang mga log-in attempts na gagawin mula sa mga credit card ng Pilipinas.


Samantala, nahaharap ang mga suspek ayon kay Cariaga, sa patung-patong na mga kaso ng paglabag.


Nakalulungkot isipin na dahil sa pagkalat ng mga prostitution den sa iba’t ibang lugar ay dumarami naman ang nagiging biktima ng prostitusyon. 


Malaki kasi ang kinikita sa ganitong kalakaran, at sa tindi ng hirap na nararanasan ng ilan nating kababayan ay nagagawa nila talaga itong pasukin.


Kaya para sa kinauukulan, dapat sigurong huwag tantanan ang kanilang pagsalakay sa mga lugar na ginagawang lungga ng mga online prostitution na usong-uso sa ngayon.


Kung kinakailangang suyurin ang mga lugar, lalo na sa mga lalawigan, ay kanilang gawin para marami silang mailigtas sa tiyak na kapahamakan, at parusahan naman ang mga sangkot sa ganyang klase ng ilegal na gawain.


Payo lang sana sa ating mga kababayan na anumang hirap o problema na ating pinagdaraanan, huwag tayong humantong o magresulta sa ikasasama natin. Isipin natin lagi ang tama at mas mabuti para sa atin at sa pamilya.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page