ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 11, 2023
Dear Chief Acosta,
Sinulatan ako ng love letter ng aking dating kasintahan at nais ko itong ipalathala bilang artikulo sa isang magazine. Maaari ko bang gawin ito nang walang pahintulot niya? - Ysabel
Dear Ysabel,
Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Artikulo 723 ng New Civil Code of the Philippines ang mga panuntunan kung sino ang may karapatan sa isang sulat. Sang-ayon sa nasabing batas:
“Art. 723. Letters and other private communications in writing are owned by the person to whom they are addressed and delivered, but they cannot be published or disseminated without the consent of the writer or his heirs. However, the court may authorize their publication or dissemination if the public good or the interest of justice so requires.”
Ito rin ang nakasaad sa Seksyon 178.6 ng Intellectual Property Code of the Philippines kung saan nakasaad na:
“178.6. In respect of letters, the copyright shall belong to the writer subject to the provisions of Article 723 of the Civil Code.”
Sa iyong sitwasyon, maituturing na ikaw ang may-ari ng mismong love letter, subalit hindi mo maaaring ipalathala ang nilalaman ng sulat nang wala ang pahintulot ng iyong dating kasintahan na siyang sumulat ng liham sapagkat kahit na ikaw ang may-ari ng pisikal na liham, ang “copyright” para sa nilalaman nito ay nananatili sa taong nagsulat.
Samakatuwid, upang maipalathala mo ang nilalaman ng nasabing sulat, kakailanganin mo munang hingin ang pahintulot ng iyong dating kasintahan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments