ni Zel Fernandez | May 5, 2022
Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na sakaling madamay umano ang Pilipinas sa alitang namamagitan sa Ukraine at Russia ay hindi aniya kailangang tapang ang pairalin kundi maayos na pakikipagnegosasyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, sa kasalukuyang tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, hindi umano ngayon ang panahon para magtapang-tapangan at sa halip ay dapat aniyang pairalin ang maayos na pakikipag-usap para sa kalinawan at kaligtasan.
Ani Duterte, kung daraanin umano sa tapang ang paghawak sa sitwasyon ay tiyak na bomba raw ang sasalubong sa bansa na wala sa atin. Aniya, ang mga armas na tanging mayroon ang Pilipinas ay nakalaan lamang para sa insurgency problem ng bansa.
Samantalang ang mga armas umanong gagamitin sa panlabas na kaguluhan ay hindi kakayanin dahil wala umanong kakayahan ang Pilipinas na makipagsabayan sa malalakas na bansa.
Anang Punong Ehekutibo, sa diplomasya at negosasyon pa rin aniya dapat idaan ang lahat sakali mang may umusbong na tensiyon sangkot ang Republika ng Pilipinas.
Комментарии