top of page
Search

Pag-phase out sa EDSA bus lane, pag-aralan muna

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Feb. 6, 2025



Boses by Ryan Sison

Aminin man natin o hindi, malaki ang naitulong ng EDSA bus lane sa mga komyuter na mapabilis ang kanilang pagbiyahe, subalit paano na kung tuluyang mai-phase out ito?


Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes, napag-usapan nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang plano para sa Comprehensive Traffic Management Plan (CTMP) sa Metro Manila at kalapit na probinsya. 


Gayundin, tinalakay nila ang iminungkahi ng kagawaran na pag-phase out ng Epifanio de los Santos (EDSA) bus lane, kung saan makakatulong sa pagluwag ng naturang pangunahing lansangan at para makabawas sa bigat ng trapiko. 


Subalit ani MMDA chief, nananatili pa rin itong suhestiyon hangga’t hindi pa nag-i-improve ang lagay ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3). 


Sinabi ni Artes na napag-usapan nila ng Pangulo na magdadagdag ng isang bagon sa MRT, kaya magkakaroon ng 30 porsyentong additional capacity ang nasabing tren. Aniya pa, inaayos na lamang ang infrastructure para ma-accommodate ang mas mahabang bagon. 


Binigyang-diin naman ng opisyal na sa darating na Marso ng kasalukuyang taon ay sisimulan na ang rehabilitasyon ng EDSA na inaasahang makakatulong sa pagpapabilis ng daloy ng trapiko. 


Tunay na ang bawat proyekto ay dapat na pinag-iisipang mabuti bago isagawa dahil maaaring makabubuti ito sa para iba habang may matindi namang epekto sa ilan.

Kapag kasi na-phase out na ang bus lane, unang maapektuhan dito ang mga komyuter at siyempre ang mga bus driver at operator. 


Totoong maganda at maginhawa para sa mga pasahero ang sumakay sa mga tren dahil sa mabilis ang kanilang pagbiyahe. Subalit, alam naman natin na halos siksikan na nakatayo sa loob ng mga bagon ang mga pasahero lalo na kapag rush hour, hindi tulad ng bus na kahit medyo matagal ang biyahe ay kampante namang nakaupo lamang.


Isa pa na kailangan nating isaalang-alang dito ay ang ating napakaraming driver at operator ng bus, na kapag na-phase out ang bus lane, saan sila maaaring dalhin o sila ba ay mawawala na rin? Gayundin, dapat na makita ang mga naging gastos sa pagpapatayo ng bus lane.


Sana sa kinauukulan, pag-aralan muna nila ang desisyon sa naturang usapin. Tiyaking dumaan sa masusing konsiderasyon sa lahat ng sektor bago tuluyang ipatupad ang pag-phase out sa bus lane upang hindi ito pagsisihan sa huli.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page