ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 21, 2025

MALAMANG MAY TAGA-MALACAÑANG NA MAY MASAMANG BALAK SA PERA NG BAYAN KUNG TOTOONG MAY MGA BLANGKO SA 2025 GAA NA PINIRMAHAN NI PBBM -- Ibinulgar ni ex-P-Duterte na base raw sa hawak niyang mga dokumento patungkol sa pinirmahan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na 2025 General Appropriations Act (GAA) ay marami raw nakalagay sa 2025 national budget na mga programa at proyekto ng pamahalaan ang blangko, na ‘ika ng dating presidente ay mistulang binigyan daw ng mga senador at kongresista si PBBM ng blangkong tseke at siya na ang bahalang maglagay dito ng halaga.
Kung totoo ang ibinulgar ni ex-P-Duterte, eh, lalabas na may mga tao sa Malacañang na may masamang balak sa pera ng bayan, period!
XXX
DAPAT ISAPUBLIKO NG MALACAÑANG ANG MGA NILALAMAN NG 2025 GAA -- Matapos sabihin ni Executive Sec. Lucas Bersamin na fake news ang ibinulgar ni ex-P-Duterte patungkol sa mga blangkong sections sa 2025 GAA, ay sinabi naman ni PBBM na kasinungalingan daw ang isiniwalat ng dating presidente dahil hindi raw niya pipirmahan ang 2025 GAA kung may mga blangkong pagkakagastusan dito.
Para matapos na ang isyung iyan, dapat isapubliko ng Malacañang ang lahat ng nilalaman ng 2025 GAA para magkaalaman na kung sino ang nagsasabi ng totoo at kung sino ang sinungaling sa kampo nina PBBM at ex-P-Duterte, boom!
XXX
DAPAT MAYORYA SA OPOSISYON MANALO SA SENATORIAL ELECTION PARA MAY BABATIKOS SA MGA MALING POLISIYA NG MARCOS ADMIN -- Mismong si PBBM na ang nagsabi na mahirap daw sa ngayon na ibaba ang presyo ng per kilo ng bigas.
Kumbaga, siya na rin ang umamin na huwag nang umasa ang mamamayan na matutupad ang promise niya noon na gagawin niyang P20 per kilo ng bigas kapag siya ang naging presidente.
Sa darating na halalan, dapat majority na manalo sa senatorial election ay mula sa hanay ng oposisyon para kapag mayorya ng mga senador ay hindi “hawak sa leeg” ng Malacañang ay may babatikos sa presidente.
Puna kasi natin, dahil majority ng mga senador ay kaalyado ni PBBM kaya walang bumabatikos sa kanya tungkol sa napako niyang pangakong P20 per kilo ng bigas, period!
XXX
KAPAG SA KAPAKANAN NG MGA PULITIKO, AMBILIS UMAKSYON ANG SC PERO SA KAPAKANAN NG MGA TSUPER AT OPERATOR NG JEEP ANG KUPAD – Ang bilis ng aksyon ng Supreme Court (SC) sa pagbibigay ng temporary restraining order (TRO) sa mga pulitikong diniskuwalipika ng Comelec para maisama ang kanilang mga pangalan sa balota upang matuloy ang kanilang mga kandidatura, pero pagdating sa TRO na matagal nang hinihiling ng mga tsuper at operator ng mga traditional jeepney para ideklarang unconstitutional ang Public Utility Vehicle Modernization Program ay hanggang ngayon walang aksyon ang SC.
Diyan makikita na kapag sa kapakanan ng mga pulitiko simbilis ng kidlat umaksyon ang SC, pero kapag sa kapakanan ng mga tsuper at operator ng jeepney, ang kukupad, mga “nganga,” boom!
Comments