top of page
Search
BULGAR

‘Pag nominado sa partylist may kapamilyang pulitiko, dapat i-reject ‘yan ng Comelec

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 4 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TULARAN SANA NG MGA GOV. AT VICE GOV. SINA BULACAN GOV. FERNANDO AT VG CASTRO NA HINDI GAHAMAN SA KAPANGYARIHAN DAHIL WALA SILANG POLITICAL DYNASTY -- Sa mga lalawigan sa bansa, bukod tangi ang mga namumuno sa probinsya ng Bulacan na sina Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro lang ang walang itinataguyod na political dynasty.


Wala silang kapamilyang nasa pulitika rin, hindi tulad sa ibang probinsya na halos ang buong angkan ay pulitiko, mayroong governor at vice governor na ang asawa, anak, kapatid, ama, ina ay may mga puwesto pa sa lalawigan na kundi kongresista, bokal, mayor, vice mayor o kaya ay konsehal.


Ang nais nating ipunto rito ay “sana all” tularan sina Fernando at Castro na ang kanilang pamilya ay hindi gahaman sa kapangyarihan, na dahil sila (Gov. Fernando at VG Castro) lang ang nasa pulitika ay never silang nasangkot sa anumang corruption kaya’t nakapagseserbisyo sila nang maayos sa kanilang mamamayan, period!


XXX


MAGKAKAPAMILYANG PULITIKO PA-RICH NANG PA-RICH, KANILANG MAMAMAYAN PALUGMOK NANG PALUGMOK SA KAHIRAPAN -- Nang maging guest speaker si former Vice Pres. Leni Robredo noong April 9, 2018 sa London School of Economics and Political Science ay sinabi nitong ang sanhi ng kahirapan ng Pilipinas ay ang pamamayagpag ng mga political dynasty sa mga lalawigan sa bansa.


Totoo ang sinabi na iyan ni ex-VP Leni, kasi ang mga pulitikong may political dynasty ay pa-rich nang pa-rich, pero kung titingnan ang datos ng pamumuhay ng kanilang mamamayan ay palugmok nang palugmok sa kahirapan, tsk!


XXX


KAPAG NOMINADO SA PARTYLIST MAY KAPAMILYANG PULITIKO, DAPAT I-REJECT NG COMELEC ANG KANDIDATURA -- Tutal, mismong si Comelec Chairman George Garcia na ang nagsabi na maghihigpit na sila sa mga tatanggaping partylist, sana isama nila sa kanilang gagawin ang partylist na ang nominado ay kapamilya ng mga pulitikong may posisyon na sa pamahalaan.


Ang nais nating ipunto rito, kapag nakita ng Comelec na ang nominado sa partylist ay misis, anak, kapatid, ama o ina ng senador, kongresista, governor, vice governor o mayor, i-reject agad sana ang partylist na ito, kasi sa totoo lang, hindi serbisyo-publiko ang hangad niyan, kundi magka-pork barrel, period!


XXX


INSTITUSYONG SENATE OF THE PHILIPPINES, PASAGWA NANG PASAGWA DAHIL SA POLITICAL DYNASTY -- Sakaling maaprub ang Charter Change (Cha-cha), sana kabilang sa galawin ay ang political provisions sa Constitution, at ipagbawal dito o hindi puwedeng kumandidatong senador ang sinumang may kapamilya na nakaupo nang senador ng bansa.


Sa totoo lang kasi, pasagwa nang pasagwa ang institusyong Senate of the Philippines dahil sa political dynasty, kasi onli in da ‘Pinas lang na makikita na may mga magkakapamilyang mga senador, boom!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page