ni Mary Gutierrez Almirañez | May 15, 2021
Ayaw nang maniwala ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa statement ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito isusuko ang West Philippine Sea (WPS) sa China, magmula nang sabihin nitong biro lamang ang pagdye-jet ski.
Kamakailan lamang ay nagbitaw na naman ng bagong pahayag ang Pangulo at sinabi sa China, "Hindi talaga ako aatras. Patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan."
Hirit naman ni Trillanes, “Naku, jet ski scam na naman 'yan! Ewan ko lang kung magpapaloko pa mga Pilipino d'yan.”
Dagdag pa niya, “May tawag d'yan sa kalye, ang tawag d'yan, pang-oonse na 'yan. Naisahan ka na nu’ng una, naloko ka, naisahan ka uli. Maoonse ang Pilipino n'yan kung paniniwalaan pa nila si Mr. Duterte.”
Kaugnay iyon sa sinabi ni Pangulong Duterte na panahon lamang ng pangangampanya noon kaya nito nasabing magdye-jet ski, dala ang Philippine flag papuntang China at ipaglalaban ang WPS.
Sa ngayon ay hindi pa rin daw malinaw kung kailan nga ba nagbibiro si Pangulong Duterte at kung kailan ito seryoso sa mga sinasabi.
Matatandaan na ilang pahayag na rin nito ang nabigyan ng ibang kahulugan ng iba’t ibang kritiko. “Kung naniwala kayo sa kabila, I would say that you are really stupid," sabi pa ng Pangulo.
Comments