ni Jasmin Joy Evangelista | March 23, 2022
Nangako si presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno na ibebenta niya ang illegally acquired jewelry at paintings at sisiguruhing makokolekta ang P203 billion unpaid estate tax ng pamilya Marcos kapag nanalo siyang presidente.
“Maaari siyang ipatupad, and we guarantee you, maipapatupad ‘yon dahil ‘yun po ay batas. What matters most ay makokolekta ‘yun, dahil marami pa naman silang pag-aari na maaari naman nating makuhanan at mapunan ‘yung para sa estado,” ani Moreno sa Serve the Nation presidential interviews ng TV5.
“Kung maaalala niyo, may mga diyamante, mga assets na nakuha sa kanila. Natutulog po sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Picasso USD 200 million sa mundo ‘yan, mahal na mahal ‘yung mg paintings, Monet, na nakolekta na ng gobyerno. Ito tangan-tangan natin, pwede naman nating isalba o ibenta na. kasi there is no use of that na sa buhay ng tao kung nandi-dyan lang ‘yan sa vault ng ating gobyerno,” paliwanag pa ni Moreno.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng kampo ni Moreno na batay sa report mula sa Christie’s at Sotheby’s noong November 2015, ang mga illegally obtained jewelry collection ng Marcoses na nakatago sa vault ng BSP ay nagkakahalagang P1 billion.
Maliban sa jewelry collection, mahigit isandaang artworks ng mga artist na sina Van Gogh, Picasso, Monet, Pierre Bonnard, at Michelangelo ang nawawala at kailangang ma-recover, ayon sa kampo ni Moreno.
Comments