ni V. Reyes | February 27, 2023
Magsasagawa ng regular na drug test sa mga nasa bilangguan. Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, kapag may preso na nagpositibo sa ilegal na droga, sisibakin ang nakatalagang warden ng piitan.
Samantala, tuloy din ang paglilinis ng DILG sa hanay ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng naunang hamon nito sa mga matataas na opisyal ng pulisya na maghain ng courtesy resignation.
Gayunman, ang National Police Commission (Napolcom) ang inatasang sumuri at magdesisyon kung kaninong courtesy resignation ang tatanggapin.
Binabantayan na rin ngayon ang mga pulitiko kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.
Babala ni Abalos, kakasuhan ang sino mang pulitiko na mapatutunayang sangkot sa illegal drug trade.
Ang pahayag ni Abalos ay kasunod na rin ng mga ulat na may ilang pulitiko at nasa gobyerno ang sabit umano sa mga transaksyon ng ilegal na droga sa bansa.
Comments