ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 14, 2022
Sa ating nakaraang artikulo sa serye tungkol sa mga paraan kung paano mapahaba ang ating buhay (lifespan) at ang ating “healthspan” ay pinag-usapan natin ang pamamaraang tinatawag ng mga scientists na “periodic caloric restriction” o sa termino ng layman ay “intermittent fasting”.
Ayon sa research ng mga longevity scientists, magkakaiba ang epektibong pamamaraan upang magawa ang intermittent fasting. Ang isa ay tinatawag na “16:8 diet”, kung saan umiiwas kumain ng almusal at kakain na lamang sa tanghalian at hapunan.
Ang isa pang epektibong paraan ay ang “5:2 diet”, kung saan babawasan ang iyong kakainin sa 75% lamang ng iyong karaniwang kinakain sa araw-araw, dalawang araw sa loob ng isang linggo. Sa natitirang limang araw ay normal ang dami ng iyong kinakain.
Isa pa na kaparaanan ay mag-fasting ilang araw sa isang linggo o mag-fasting ng isang buong linggo at gawin ito every three months.
Marami pang ibang klase ng periodic caloric restriction o fasting na nairekomenda na ng mga longevity scientists. Ang common denominator dito ay ang pagbabawas ng kinakain. Siguraduhin lamang na kumpleto ang sustansya ng mga kinakain upang hindi mauwi sa malnutrition. Maaari rin uminom ng mga supplements, tulad ng multivitamins o minerals habang nagpa-fasting.
Ngayong napag-uusapan natin ang sustansiya, talakayin natin ang topic ng protina at ang building blocks nito, ang amino acids. Bagama’t kailangan ng ating katawan ang protina, ang pagkain ng labis na protina galing sa hayop (animal-based protein diet) ay makakasama sa ating katawan. Ayon kay Dr. David Sinclair, ayon sa mga pag-aaral, ito ay magdudulot ng mataas na mortality dahil sa mga cardiovascular diseases at cancer na maaaring idulot nito. Marami na ring pag-aaral ayon kay Dr. Sinclair, na nagsasabi na ang mga hotdogs, sausage, ham at bacon ay carcinogenic at maaaring magdulot ng colorectal, pancreatic at prostate cancer.
Ayon kay Dr. Sinclair, ang red meat o karne galing sa baka, baboy at kambing ay naglalaman ng carnitine. Ito ay nako-convert sa ating bituka sa trimethylamine N-oxide o TMAO, isang chemical na maaaring maging dahilan ng sakit sa puso. Maaari pa rin tayong kumain ng red meat ngunit kinakailangang balanse ang ating mga kinakain at naglalaman ng gulay, isda at karne.
Ayon kay Dr. Sinclair, kung papalitan lamang natin ang protina na galing sa hayop ng protina galing sa gulay ay mapapababa natin ang pagkamatay ng dahil sa iba’t ibang sakit (all-cause mortality). Hindi dapat mag-alala dahil lahat ng amino acids na laman ng protina galing sa hayop ay makikita rin sa protina galing sa gulay.
Isa pang paraan na mapahaba ang ating buhay gamit ang kaalaman sa protina ay ang pagbabawas ng pagkain ng karne at dairy. Ayon sa mga scientific studies, ang pagbabawas ng pagkain ng protina ay nagpapahaba ng buhay. Ito ay dahil sa enzyme na tinatawag na mTOR. Kung kaunti lamang ang kinakain nating protina ay ini-inhibit nito ang mTOR at dahil dito ay mas gumagana ang pag-recycle ng ating katawan ng nasirang cells at mga nasirang protina. Ang pag-recycle na ito ay tinatawag na autophagy. Ayon sa mga pag-aaral ay nakatutulong ito upang palakasin ang ating katawan laban sa sakit at pinahahaba ang ating buhay.
Sa pag-aaral ng mga scientists sa University of Michigan at Harvard Medical School ay nakita nila ang koneksyon ng pagbawas ng pagkain ng amino acid na Methionine, na makikita sa karne ng baka, manok, baboy at sa itlog, sa paghaba ng buhay. Ayon sa kanila, maaaring humaba ang buhay ng 20 porsyento at mas mabilis pumayat kung babawasan lamang ang pagkain ng karne (na naglalaman ng Methionine).
Abangan ang susunod na bahagi ng ating serye tungkol sa mga advice ni Harvard professor Dr. David Sinclair kung papaano humaba ang ating buhay.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments