ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 18, 2023
Sa ginanap na deliberasyon sa plenaryo sa Senado para sa 2024 budget ng Philippine Sports Commission at ng Games and Amusements Board noong November 15, na ating inisponsoran bilang Vice Chair ng Senate Finance Committee, ay binigyang-diin natin na kailangang masuportahan ang ating mga atletang lumalahok sa international competitions, gayundin ang pagpapalaganap sa grassroots sports development para mas mahasa at mabigyan ng oportunidad ang ating mga kabataang atleta.
Bilang ako rin ang Chair ng Senate Committee on Sports, ipinaglaban natin na magkaroon sana ng karagdagang budget para sa grassroots sports programs, pagpapaayos ng mga pasilidad, at suporta sa ating mga atletang lalahok sa international competitions tulad ng 2024 Paris Olympics at Winter Youth Olympics.
Kabilang sa mga pasilidad na kailangan ng rehabilitasyon at upgrading ang PhilSports Complex sa Pasig City, at ang Rizal Memorial Coliseum sa Maynila. Napakaimportante ng dalawang pasilidad na ito dahil dito nagsasanay at sumasabak ang ating national athletes.
Ipinaliwanag din natin ang malungkot na sitwasyon kung paano napopondohan taun-taon ng gobyerno ang sports programs sa Pilipinas. Masyadong nakaasa sa National Sports Development Fund na karamihan ay galing sa PAGCOR. Laging kulang sa pondo ang sports sa National Expenditure Program (NEP) na isinusumite ng Department of Budget and Management sa Kongreso kada taon.
Bilang halimbawa, ang laging ipinapasok sa panukalang budget sa NEP ay mababa sa P200 milyon sa loob ng dalawang magkasunod na taon. Kung tutuusin, nasa 0.004% lang ito ng P5.768 trilyon na national budget natin. Kinakailangan pang umaksyon ng mga mambabatas para maging sapat ang pondo sa sports sa loob ng pinal na General Appropriations Act. Noong tinalakay ang 2023 budget ng PSC, isang bilyon ang idinagdag natin bilang sponsor. Nagdagdag pa rito ang iba pang mambabatas sa pamumuno ni Sen. Sonny Angara bilang Chair ng Senate Finance Committee.
Sa 2024 naman ay P174 milyon lang ang ipinanukala ng DBM sa NEP kahit na ang proposed budget sana ng PSC ay mahigit P3 bilyon. Kung hindi man maibigay ang kabuuang hinihingi ng ahensya, huwag naman sanang katiting lang kumpara sa karangalan na iniuuwi ng mga atleta sa ating bansa.
Kaya naman ipinaglalaban natin ang karagdagang pondo taun-taon para sa mga atleta.
Kapag nanalo sila, damay ang buong bansa sa karangalan na dala nila. Kapag natalo naman, minsan naba-bash pa sila samantalang ang pondo na inilalaan naman ng gobyerno na pangsuporta sa kanila ay napakaliit lamang.
Binigyang-diin din natin ang epekto ng sports sa pagpapalakas ng national pride at ekonomiya.
Tinukoy natin ang matagumpay na pagdaraos sa ating bansa ng 2023 FIBA World Cup, na nagpasigla sa ating turismo at nagpataas ng ating morale matapos ang pandemya.
Tinalo natin ang koponan ng China kaya nagkaroon tayo ng momentum patungo Asian Games kung saan nagkampeon ang ating basketball team makalipas ang 60 taon.
Higit sa lahat, mabisang paraan din ang sports na mailayo ang kabataan sa masasamang bisyo at magkaroon ng mas produktibong buhay. Kaya lagi kong payo, ‘get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit!’
Sa kabila ng ating pagiging abala sa budget deliberations sa Senado, tuluy-tuloy tayo sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap.
Noong November 15 ay panauhing pandangal tayo sa 2023 Muay Thai National Championship Opening Ceremony na ginanap sa Philsports Complex sa Pasig City sa imbitasyon ni retired Gen. Lucas Managuelod. Sinaksihan din natin ang oathtaking ng 816 Barangay at Sangguniang Kabataang officials ng Malolos City, Bulacan na naihalal noong October 30 elections, sa imbitasyon ni Mayor Christian Natividad.
Nasa Batangas naman tayo noong November 16 para saksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Lipa City, kasama natin si Mayor Eric Africa, Coun. Mikee Morada, at iba pang opisyal. Matapos ito ay dumalo tayo bilang guest speaker sa 2nd General Assembly and Awarding Ceremonies ng Philippine Councilors League - Pangasinan Chapter na ginanap sa Summit Ridge Hotel sa Tagaytay City.
Masaya ko ring ibinabalita na sa araw ring iyon ay isinagawa na ang groundbreaking para sa itatayong multi-purpose building sa San Remigio, Antique na ating isinulong na mapondohan.
Personal naman nating pinangunahan kahapon, November 17, ang pamamahagi ng tulong sa 318 residente ng Barangay Kapitan Tomas Monteverde, Agdao, Davao City na naging biktima ng insidente ng sunog kamakailan. Naimbitahan din tayo para maging guest speaker sa 25th Anniversary ng Citi Hardware sa Balusong, Matina, sa imbitasyon ni James Lee.
Naghatid naman ang aking opisina ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Namahagi tayo ng 1,650 food packs sa mga residente ng 11 barangay sa Molave, Zamboanga del Sur na naging biktima ng pagbaha. Naalalayan din ang 41 naging biktima ng sunog sa Iloilo City; 31 sa Brgy. San Antonio, 34 sa Brgy. San Dionisio, at 99 pa sa Brgy. Moonwalk sa Parañaque City.
Naghandog din tayo ng dagdag na suporta sa mga TESDA graduates sa Cebu kabilang ang 77 sa Argao; at 48 pa sa Sibonga katuwang ang Call Center Academy.
Naayudahan din natin ang 108 residenteng nasunugan sa Brgy. 824, Paco, Maynila.
Nakatanggap din ang mga ito ng tulong sa National Housing Authority mula sa programang ating isinulong at tinulungang mapondohan para may pambili ang mga benepisyaryo ng materyales gaya ng pako, yero at iba pa sa pagpapaayos ng kanilang bahay.
Sa Cabiao, Nueva Ecija ay 783 mahihirap na residente ang ating natulungan, at may natanggap ding hiwalay na tulong mula sa ahensya ng gobyerno.
Natulungan din natin ang maliliit na negosyante gaya ng 79 sa Dagupan City, Pangasinan; at 15 pa sa Glan, Sarangani. Napagkalooban din ang mga ito ng Department of Trade and Industry ng livelihood kits mula sa programang ating isinulong noon.
Nagbigay rin tayo ng tulong sa 190 na displaced workers sa San Remegio, Antique kasama si Mayor Mar Mission; 147 sa Mandaluyong City katuwang si Congressman Boyet Gonzales; at 661 sa Ligao, Albay katuwang si Congresswoman Didi Cabredo.
Binigyan din ng Department of Labor and Employment ang mga benepisyaryo ng pansamantalang trabaho.
Nakita natin na kung nagkakaisa tayo sa pagsuporta sa ating mga kababayan, malayo ang ating mararating. Halimbawa rito ang ating pagsuporta sa ating mga atleta at sa buong sports community. Magkaisa tayo at magmalasakit sa ating kapwa upang maiangat ang antas ng buhay ng bawat Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments