ni Ryan Sison - @Boses | September 27, 2021
Bagama’t nakikita nang may pagbaba sa bilang ng COVID-19 cases, nais pa ring maging maingat ng Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ayaw pa nilang magdeklara ng pagbaba ng mga kaso dahil kailangan pa ng pag-aaral upang makumpirma na ito nga ay pagbaba ng mga kaso o apektado lamang ng testing output o may iba pang dahilan.
Sa ngayon kasi ay bumababa na aniya umano ang naisasagawang testing sa mga laboratory.
Isa sa mga nakikitang problema ang logistics, kung saan posibleng walang swab o walang magsu-swab. Maaari kasing nabawasan umano ang mga tauhan ng mga laboratoryo dahil sa pagkakasakit. Pero isa rin sa mga nakikitang pangunahing rason ay ang paggamit ng mga lokal na pamahalaan ng rapid antigen test na hindi pa naisasama sa bilang ng mga kasong inire-report kada araw.
Gayunman, inatasan ng DOH-NCR na tumulong sa registration ng mga pasilidad na gumagamit ng antigen test. Kailangan aniyang tiyakin ng DOH-NCR-CHD na ang antigen line test ay maisasama ng health facilities, temporary treatment and monitoring facilities at sariling LGUs.
At dahil patuloy pang inaalam ang dahilan ng pagbaba ng kaso ng sakit, malinaw na hindi pa lubusang maituturo bilang dahilan ng alert level system at granular lockdown sa rehiyon.
Samantala, tingin ng DOH, maaaring umabot ng higit 6,000 ang daily cases ng NCR sa katapusan ng buwan, pero bababa ng 4,450 pagsapit ng katapusan ng Oktubre.
Dapat lang naman tayong maging maingat pagdating sa pagdedeklara ng mga ganitong bagay dahil dito ibinabase ang mga susunod na hakbang kontra pandemya.
Hiling lang natin sa mga kinauukulan at mga eksperto na sana ay maging tugma ang inyong mga deklarasyon dahil kung magkakaiba ang makararating sa publiko, kanino maniniwala ang mga tao?
Habang abala tayo sa pagtugon sa pandemya, dapat nating ipaalam sa taumbayan ang tunay na sitwasyon sa bansa. Kumbaga, iwas-fake news at takot para sa mamamayan.
Mahigit isang taon na tayo sa labang ito, kaya sana ay mas alam na natin ang dapat gawin.
Hindi man tiyak ang mga mangyayari sa mga susunod na araw, kung magiging tapat tayo sa taumbayan, siguradong mararamdaman nating hindi tayo nag-iisa sa laban.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments