ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Marso 2, 2024
Isang kaso na hawak ng aming tanggapan ang tampok ngayon sa ating artikulo.
Mahaba ang naging pagdaing ng aming kliyente na si Cyril, siya ay naakusahan sa kasong may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Ang haba ng kanyang pakikipaglaban at tila naging mailap sa kanya ang hustisya.
Gayunman, nakamit pa rin niya ang katarungan na kanyang inaasam-asam. Nawa’y magbigay ng pag-asa ang kuwento ni Cyril lalo na sa ating mga mambabasa na kasalukuyan ding dumadaan sa hirap at matinding problema.
Si Cyril ay naaresto kaugnay sa ilegal na pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Batay sa tala ng hukuman, Nobyembre 1, 2016 nang magkasa ng buy-bust operation ang himpilan ng pulis sa Bayan ng Tayug, Probinsya ng Pangasinan, bunsod sa natanggap na impormasyon ni PO3 Dilan na nagbebenta diumano si Cyril ng ipinagbabawal na gamot. Si PO3 Dilan ang naatasang tumayo bilang poseur buyer at si PO2 Fernando naman ang nagsilbing back-up.
Nagkita umano ang impormante, kasama si PO3 Dilan, at si Cyril sa harap ng isang paaralan para sa napipintong bentahan. Unang iniabot diumano ni PO3 Dilan ang marked money kay Cyril at ibinigay naman diumano ni Cyril kay PO3 Dilan ang isang pakete. Matapos ay agad umano na nagbigay ng hudyat si PO3 Dilan dahilan upang agad na rumesponde si PO2 Fernando, at mga kasamahan nito para arestuhin si Cyril.
Sa mismong lugar kung saan naaresto si Cyril, minarkahan ang nakuhang pakete. Ang imbentaryo at pagkuha ng larawan ng mga ebidensya ay nasaksihan diumano ng dalawang kagawad ng barangay at isang kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ). Matapos iyon ay dinala na umano si Cyril sa ospital para sa eksaminasyon at kalaunan ay dinala siya sa himpilan ng pulis para sa kaukulang imbestigasyon.
Bitbit ni PO3 Dilan ang nakuhang ipinagbabawal na gamot mula sa lugar ng pag-aresto hanggang sa nasabing himpilan. Dinala na niya diumano sa crime laboratory ang kaukulang request upang masuri ang nakalap na ebidensya. Batay umano sa pagsusuring isinagawa ni PSI Boquiren, positibo na ito ay methamphetamine hydrochloride o shabu. Matapos ang pagsusuri ay sinelyuhan ni PSI Boquiren ang pakete gamit ang tape, minarkahan ito at ibinigay sa evidence custodian.
Nang maisampa ang kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sa Regional Trial Court (RTC), “not guilty” ang naging pagsamo ni Cyril. Iginiit niyang walang naganap na buy-bust at siya ay isang biktima ng frame-up.
Ayon sa bersyon ni Cyril, siya ay papunta umano sa palengke sakay ng motorsiklo noong araw na iyon nang pahintuin siya ng mga pulis. Hiningi umano sa kanya ang dala niyang backpack at ininspeksyon ito.
Nang ibalik ito sa kanya ay sinabihan umano siyang maghintay. Halos isang oras ang lumipas nang dumating umano si PO3 Dilan sakay ng isang mobile ng pulis at mayroong kasamang tatlong lalaki.
Kinuha umano ni PO3 Dilan ang isang pakete at gusot na pera mula sa bulsa nito at dinala si Cyril sa kabilang bahagi ng daan, inilagay ang nasabing pakete at pera sa ibabaw ng kahon ng motorsiklo at nagsimulang kumuha ng litrato. Ilang saglit pa ay mayroon na diumanong mga opisyal ng barangay na dumating, ngunit hindi umano kilala ni Cyril ang mga ito.
Taliwas sa inaasahan ng inakusahan, siya ay hinatulang may-sala ng RTC. Umapela siya sa Court of Appeals o CA, ngunit sinang-ayunan ng appellate court ang hatol ng RTC.
Kung kaya’t inakyat ni Cyril ang kanyang pagsamo sa Supreme Court o SC.
Bagaman sa una ay hindi naging pabor kay Cyril ang SC, batay sa ipinalabas na resolusyon na may petsang Oktubre 13, 2021, nabigyan siya ng isa pang pagkakataon na mapag-aralang muli ang kanyang apela sa pamamagitan ng inihain niyang Motion for Reconsideration. Sa nasabing motion, muling iginiit ni Cyril na siya ay inosente.
Binigyang-diin niya na walang halaga at hindi maaaring gamitin ang mga ebidensya na isinumite ng tagausig laban sa kanya sapagkat nabahiran umano ng pagdududa ang integridad nito bunsod ng naging pagkukulang sa parte ng mga umaresto sa kanya at sa sumuri ng mga ebidensya. Kung kaya’t hindi umano napatunayan ng tagausig na napreserba ang chain of custody ng ebidensya.
Sa muling pagsasaalang-alang sa buong kaso, nakita ng kataas-taasang hukuman na hindi umano lubos na nasunod ang mga alituntuning nakasaad sa Section 21, Article II ng R.A. No. 9165, na naamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10640, partikular na ang pagpapatunay sa kondisyon ng mga ebidensya nang matanggap ito ni PSI Boquiren, ang paraang ginamit sa pagsusuri ng mga ito, pati na ang paraan ng pangangasiwa at pagtatago ng mga ito bago, habang at matapos ang nasabing pagsusuri.
Bagaman nagkasundo umano ang depensa at tagausig sa iminungkahing testimonya ni PSI Boquiren sa hukuman, hindi pa rin naging sapat ang nilalaman nito para mapatunayan ang pagtalima sa hinihinging proseso sa ilalim ng nabanggit na probisyon ng batas. At dahil hindi rin iniharap sa hukuman si PSI Boquiren, nanatili umano ang pagdududa ng hukuman sa integridad ng mga isinumiteng ebidensya. Kabalikat nito ay naging kwestyunable ang hatol na pagkakasala sa inakusahan.
Nakadagdag pa umano sa pagdududa ng SC nang hindi rin inupo bilang testigo ng tagausig sa hukuman ang mga kinauukulang opisyal na umano ay nakatanggap ng ebidensyang sinuri. Ang pagkukulang na ito ng tagausig ay nagdulot ng pag-aalinlangan, partikular na kung ang ebidensya na nai-turnover at naisumite sa hukuman ay ang parehong ebidensya na nakumpiska mula sa inakusahan.
Dahil sa mga nabanggit na pagkukulang ng taga-usig, higit na minarapat ng kataas-taasang hukuman na ipinagkaloob ang pagsamo na ipawalang-sala si Cyril.
Naging mahaba man para kay Cyril ang kanyang legal na pakikipaglaban, sa huli ay ang hustisya at kalayaan na inaasam ang kanyang nakamtan. Kung kaya’t anuman ang dagok o pagsubok ang ating maranasan, ‘wag na ‘wag tayong mawawalan ng pananampalataya at pag-asa. Katulad ni Cyril, umasa at nanalig siya sa pananaig ng katarungan at nakamtan niya rin ito kalaunan.
Comments