top of page
Search
BULGAR

Pag-file ng SSS Retirement Benefit Claim, online na

@Buti na lang may SSS | May 2, 2024



Buti na lang may SSS


Magandang araw, SSS! Ako ay 62 taong gulang na at nais ko nang mag-file ng aking retirement benefit. Paano ko ba gagawin ito at anong mga dokumento ang mga kailangan kong i-submit? Salamat. – Rudy


 

Mabuting araw sa iyo, Rudy!


Mabuting balita! Ngayon, hindi mo na kinakailangan pang magtungo sa Social Security System (SSS) branch para mag-file ng iyong retirement benefit application. Magagawa mo na ito online gamit ang iyong My.SSS account sa www.sss.gov.ph.

Pero bago natin talakayin iyan, atin munang alamin kung ano ang SSS Retirement Benefit Program at ang mga qualifying conditions na nakapaloob dito. 

Ang retirement benefit ay isang cash benefit na ibinibigay ng SSS sa miyembro nito na umabot na sa edad ng pagreretiro. Maaari itong ibigay ng lumpsum o kaya naman ay monthly pension.


Ang optional retirement age sa SSS ay 60, maliban sa underground o surface mineworker members kung saan ito ay 50 taong gulang. Ang technical retirement age naman ay 65, maliban sa underground o surface mineworker members kung saan ito ay 60, at 55 naman para sa mga miyembro na racehorse jockey.


Para makatanggap ng buwanang pensyon, kinakailangan na mayroong 120 posted monthly contributions ang miyembro bago ang semester ng retirement. Kung hindi naman umabot sa 120 monthly contributions ay lumpsum lamang ang kanyang matatanggap.


Ngayon, talakayin na natin ang paraan ng pagpa-file ng retirement benefit. Simula Disyembre 2021, ang lahat ng miyembro ay kinakailangan nang mag-file ng kanilang retirement benefit claim application via online sa My.SSS Portal sa www.sss.gov.ph.


Samantala, may ilang cases lamang na kinakailangan na over-the-counter ang filing gaya ng:

  • Kung may outstanding balance sa Stock Investment Loan Program/Privatization Loan Program/Educational Loan/Vocational Technology Loan ang miyembro; 

  • Ang claimant ay guardian sa ilalim ng guardianship; incapacitated ang miyembro o naka-confine sa isang institution gaya ng penitentiary, correctional, o rehabilitation; 

  • Ang claim ay gagamitan ng Portability Law o Bilateral Social Security Agreements; 

  • May adjustment o for re-adjudication; o 

  • Para sa unclaimed benefit ng yumaong miyembro. 


Ang mga miyembro na may dependent children, o isang racehorse jockey o underground o surface mineworker, at iba pang condition na maaaring madetermina ng SSS, ay maaaring pagpasahin ng karagdagang dokumento gaya ng online certification with undertaking para makapagpatuloy ng online filing ng retirement benefit claim sa My.SSS o kaya naman ay maabisuhan na ituloy ang application over-the-counter sa SSS branches.


Para sa online filing ng retirement benefit, kinakailangan na mayroong My.SSS account ang miyembro na magpa-file. Kailangan din na mayroon siyang approved disbursement account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) o Unified Multi-Purpose Identification (UMID) Card na enrolled bilang ATM kasi rito ipadadala ang benepisyo. Ang kagandahan ng online filing ng retirement benefit ay hindi mo na kailangan pang magpasa ng mga form sa SSS. Kapag mayroon ka nang My.SSS account at valid disbursement account, ang kailangan mo na lamang gawin ay punan ang mga hinihinging impormasyon at i-verify ang mga ito.


***


Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito.  Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon. 



 

Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account. 


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page