ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Marso 14, 2024
Patuloy ang ating pakikipagdayalogo sa mga education stakeholder sa pagpapatupad ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE). Nadiskubre kasi namin sa ating Committee on Basic Education ang ilang problema sa pagpapatupad nito.
Lumabas sa isang Performance Audit Report ng Commission on Audit (COA) noong 2018 na limitado lang ang datos ng Department of Education (DepEd) hinggil sa epekto ng GASTPE sa pag-decongest ng mga pampublikong paaralan.
Sa pag-aaral ng COA, walang malinaw na polisiya kung sino ang dapat na mga benepisyaryo ng voucher program ng Educational Service Contracting (ESC).
Ang ESC ay isang programa sa ilalim ng GASTPE, kung saan binabayaran ng pamahalaan ang matrikula at iba pang mga bayarin ng mga benepisyaryong mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan na nalilipat sa mga private school na kinontrata ng DepEd.
Batay sa nagdaang mga pagdinig ng ating Basic Education Committee, marami ring mga kaso kung saan ang nagiging benepisyaryo ay mga non-poor. Sabi ng DepEd, hindi raw kasi klaro ang pamantayan sa ESC at GASTPE hinggil sa programa.
Bakit nga hindi klaro ang mga panuntunan?
Batay sa datos ng DepEd at sa pagsusuri ng Senate Committee on Basic Education na ating pinamumunuan, ang mga rehiyon na may pinakamalaking porsyento ng mga nagsisiksikang junior public high school ay ang National Capital Region (72 porsyento), Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) (71 porsyento), at Region X (50 porsyento).
Batay sa datos ng DepEd at pagsusuri ng tanggapan ng inyong lingkod, ang mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng aisle learners — sila ‘yung mga mag-aaral na hindi na mabibigyan ng espasyo sa loob ng mga paaralan dahil sa sobrang siksikan — ay ang Region IV-A (319,409), NCR (265,894), at Region VII (118,443).
Sa pagsusuri naman ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) gamit ang datos ng Private Education Assistance Committee (PEAC), may 149 municipalities na mga nagsisiksikang klasrum sa public junior high school pero kakaunti ang ESC schools.
Umaasa tayo sa sinabi ng DepEd na aayusin na ang mga pamantayan ng ESC at bibigyang prayoridad ang mga lugar kung saang public schools may pinakamaraming nagsisiksikang mga estudyante.
Kailangan nating tugunan ang masisikip na silid-aralan sa mga pampublikong paaralan at ibigay sa nararapat na mga benepisyaryo ang benepisyo ng programang ito. Unang dapat ayusin ay angkop na listahan ng mga benepisyaryo ng GASTPE para matugunan ang suliraning ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments