ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | November 6, 2023
Ilang linggo nang maingay ang balita hinggil sa sunud-sunod na pag-atake ng cybercriminal sa mga negosyo, malalaking kumpanya at ngayon ay ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ngunit tila patuloy ang pananahimik ng pamahalaan hinggil dito.
Araw-araw ay lumalakas ang panawagan sa pamahalaan na palakasin ang preventive measures nito upang maiwasan ang data breach at mga pag-atake ngunit patuloy pa rin itong nararanasan ng ilang ahensya ng pamahalaan sa mga nakalipas na araw.
Ito mismo ang pagtatapat ng founder ng Data Ethics PH kung saan ang mga kasalukuyang batas katulad ng Data Privacy Act at Anti-Cybercrime Law ay naipatutupad lamang umano matapos ang breach o krimen na nangyari.
Kailangan nga naman ng mas pulidong panuntunan at polisiya na makapagbibigay proteksyon kung paano maiaangat ang istraktura at sistema upang mas mabilis matukoy ang mga pag-atake.
Panahon na marahil upang bawat government portal na accessible sa internet ay ma-audit upang makita kung saan ang kahinaan o mas mabuting paigtingin pa ang cybersecurity education sa mga tauhan ng pamahalaan.
May pananaw ang Data Ethics PH na posibleng ang nagaganap na mga pag-atake sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay isang uri ng ‘hacktivism’ upang ipakita lamang ng mga hacker ang kahinaan ng mga website ng pamahalaan upang ipabatid na kailangang ayusin ang sistema.
Hindi biro na inatake ang mga security breaches ng mga website ng Kamara, Philippine Health Insurance Corp., Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP), mismong Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang maging Senado ay tinangka ring pasukin.
Kitang-kita ang kakulangan ng mga ahensya ng pamahalaan pagdating sa cybersecurity expertise na kailangang punuan at marahil panahon na para magkaroon ng permanenteng eksperto sa bawat ahensya na kayang tugunan agad ang problema pagdating sa mga insidente ng cybersecurity.
Parang Bureau of Fire Protection (BFP) na palaging nakahanda anumang oras na magkaroon ng sunog saan mang bahagi ng bansa at hindi ‘yung naghihintay na lamang tayong matupok at sasabihing umatake na naman ang mga arsonista.
Sabagay mariin namang itinanggi ng DICT na mayroong nakompromisong impormasyon dahil ang na-hack na website ay dinesenyo para atakihin ng mga hacker.
Kumbaga, ginawa umano ang naturang website upang makita ang ‘vulnerability ng system’ pero kung tutuusin ay wala talagang laman na kahit anong datos dahil ang na-hack umano ay isang ‘sandbox’.
Ang sandbox ay ginagawa ng mga developer upang masuri ang papasok na malicious software na hindi maaapektuhan ang main host network at kung totoo ang paliwanag na ito ng DICT, sana ay maibahagi ang sistemang ito sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Hindi pa naglalagablab ang napakadelikadong balitang ito ngunit nanganganib ang Pilipinas mula sa mga cyberattack dahil hindi pa nga lubusang protektado ang mga ahensya ng pamahalaan na siyang nagtatago sa personal information ng ating mga kababayan.
Kung ang napakaraming ahensya ng pamahalaan ay nagawang salakayin ng mga cybercriminal ay hindi malayong manganib ang malalaking negosyo sa bansa kung mananatiling nagkikibit balikat lamang tayo sa mga pangyayaring ito.
Posibleng hindi pa malala ang mga cyberattack, pero dapat nating maintindihan na dapat nang kumilos dahil nangyayari na ito sa kasalukuyan at lahat ngayon ay nag-aantabay kung sino at kung anong ahensya na naman ang susunod na magiging biktima.
Sa totoo lang, kulang na kulang ang kumpiyansa ng ating mga kababayan na kahit ang DICT, PNP at National Bureau of Investigation (NBI) ay makakaya tayong bigyan ng proteksyon laban sa mga cyberattacks na posibleng makaapekto ng malaki sa kabuhayan ng buong bansa.
Kumbaga sa boksing, palagi nating sinasabi na malakas ang boksingero natin at hindi kayang pabagsakin dahil kayang-kayang tumanggap ng kahit sunud-sunod at matitinding suntok mula sa kalaban — pero wala tayong sinasabi na kaya nating talunin ang kalaban.
Hindi naman natin hinihiling na patulugin ang kalaban, ang pakiusap lang natin ay manalo naman tayo kahit puntos lang at matuto tayong umilag sa panahon ng pag-atake, kahit tabla puwede na, basta huwag naman talo!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments