top of page
Search
BULGAR

Pag-asa ng ahedres na kay "Puso"

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | December 28, 2020




Umuwing walang laman ang kaban ng medalya ng Pilipinas mula sa World FIDE World Online Youth and Cadet Rapid Chess Championships dahil hindi nakapasok sa podium sina April Joy Claros at Michael Concio. Ang pangatlo sanang kinatawan ng bansa ay hindi pinayagang maglaro ng mga punong-abala.


Ngunit isang tanong na sumulpot ay kung sakaling hindi naitsapwera ng FIDE si Whisley King Puso, isang prize find mula sa Sta. Rosa, Laguna, posible kayang naka-podium ang batang pambato ng bansa sa pandaigdigang palaruan?


Matatandaang pinagbawalan ng FIDE ang pambato ng Pilipinas sa Open U12 na lumahok sa world finals bilang pangunahing kinatawan ng Asya matapos paratangan ng hindi patas na paglalaro. Hindi naman nagpakita ng katibayan ang world chess body pero ayon sa tuntunin ay bawal ang apela at hindi na puwedeng baguhin ang desisyon ng FIDE. Marami ang umalma pero walang nabago sa mga pangyayari.


Sa ngayon, dahil tapos na ang lahat, hindi na masasagot ang tanong. Ngunit umaasa ang karamihan ng mga tagasunod ng ahedres sa bansa na sa hinaharap ay mapapatunayang walang panlalamang na naganap. Ito ay mangyayari lang sa pamamagitan ng patuloy na pagkinang ni Puso sa iba’t-ibang paligsahan.


Hindi naman ito imposible dahil sa potensyal ng bata. Noong Oktubre, hinirang na kampeon si Puso sa U11 na pangkat ng National Youth Online Chess Championships. Buwan naman ng Nobyembre nang maselyuhan niya ang karapatang maging kinatawan ng Pilipinas sa FIDE Online Youth and Cadet Asian Qualifying Tournament. Samantala, sa FIDE website, si Puso ay may titulong Arena FIDE Master.


Umaasa ang komunidad na sa patuloy niyang pagpapaunlad ng kanyang buhay sa ahedres ay hindi ito masiraan ng loob kung may mga pansamantalang balakid sa loob at labas ng kompetisyon.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page