Pag-aresto kay ex-PDu30, matagal nang plano — Sen. Imee
- BULGAR
- 18 hours ago
- 3 min read
ni Mylene Alfonso @News | Apr. 4, 2025
File Photo: Sen. Imee Marcos / FB
Hindi biglaan ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Sen. Imee Marcos.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi niyang inutos ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang “Operation Pursuit” na pinlano pa noong Enero 2025, batay sa pahayag ni PMGen. Nicolas Torre III.
May hawak umanong 80-page na dokumento si Torre na naglalaman ng mapa ng mga ari-arian ni Duterte at mga rutang maaaring gamitin ng PNP.
Samantala, isang malaking katanungan umano kung kasama sa protected person sa ilalim ng kautusan ni US President Donald Trump si dating Pangulong Duterte na nagpapataw ng parusa sa International Criminal Court (ICC).
"Ito naman ‘yung tungkol sa executive order ng US. Noong March 28, ang sinabi ng gobyerno, ICC has no jurisdiction. Itong taon na ito, this is just the latest in a series of statements na ang ICC walang jurisdiction dito sa ating bansa."
"Eh, gusto ko sanang tanungin ulit sa ating executive kung ang dating Pangulong Duterte ay nasa ilalim ng protected person under the executive order issued by the US President Trump, which imposed sanctions on the International Criminal Court," pahayag ni Imee.
"Under Section 8D2 of the EO, any foreign person who's a citizen or ally of the US that has not consented to ICC jurisdiction, o parang Pilipinas, over that person or state party is a protected person sa ilalim nung kay Presidente Trump," dagdag pa niya.
"So ang Pilipinas hindi na state party at ‘yung executive sinasabi naman na hindi talaga ICC ang may jurisdiction sa atin. Kaya gusto ko sana tanungin, si Presidente Duterte ba ay isa sa protected person sa ilalim ng executive order ni Presidente Trump, non-NATO ally na former or current official?"
"So gusto ko malaman kung si PRRD nga ay protected person sa ilalim ng Executive Order, eh sino ang mako-cover sa asset freeze under Section 1 ng Executive Order ni Presidente Trump? Pwede bang parusahan ang mga sumapi sa pag-aresto katulad ni General Torre. Anong mangyayari kina Garma at kina Leonardo? Kasi ang pagkaalam natin, yung iba sa kanila at yung pamilya nila ay nasa Amerika na. Sakop ba sila nu’ng executive order ni Presidente Trump? So ‘yan ang mga katanungan natin kasi lumalawak na lumalawak itong pagsisiyasat natin. Umabot na sa US, kung saan alam natin, nagtatago sila," sabi pa niya.
Sinabi rin ni Senador Ronald dela Rosa na ang may-ari ng eroplanong ginamit upang ihatid si Duterte sa The Hague ay maaaring saklawin ng mga parusa.
"Siguro naman, it is a moral obligation of this committee also to share our findings of this committee to President Donald Trump. Para kung sino mang may-ari itong Gulf Stream na ito, na eroplano, ay kung may mga ari-arian ito sa Amerika, i-covered siya sa executive order na pinirmahan ni President Trump. So kung sino mang may-ari ng eroplano na yan, mananagot siya kay President Trump," diin ni Dela Rosa sa kanyang unang pagharap mula nang maaresto ang dating Pangulo noong Marso 11.
Gayunman, walang sinuman mula sa Executive Department na makasagot sa mga tanong nina Imee at Dela Rosa makaraang hindi siputin ang pagdinig at iginiit ang executive privilege.
Kinumpirma naman ni Senate President Chiz Escudero ang pagtanggap ng liham mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin na nagpapaliwanag ng kanilang desisyon na hindi siputin ang imbestigasyon.
Comments