ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | December 8, 2022
Dapat suriin ang “complementary roles” ng mga pribado at pampublikong paaralan upang maisakatuparan ang sustainable development goals sa sektor ng edukasyon. Sa madaling salita, ang mga pribadong paaralan ay katuwang ng mga pampublikong paaralan sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon para sa ating mga kabataan.
Mahalaga ito ngayon, lalo na’t maraming hamong kinahaharap ang mga pribadong paaralan sa bansa. Isa na ang pagsasara ng 185 private schools bilang epekto ng pandemya. Mas mababa ng 23 porsyento ang enrollment rate ng school year 2021-2022 kung ihahambing sa bilang na naitala bago tumama ang pandemya.
Nariyan rin ang mas mababang sahod ng private schools, kung ihahambing sa suweldo ng mga guro na nasa public school. Ang average na sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan kada buwan noong 2019 ay P20,754 at tumaas ito sa P22,316 sa pagsisimula ng ikalawang semestre ng school year 2019-2020. Samantala, ayon naman sa survey ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), ang average na buwanang sahod ng isang guro sa pribadong paaralan ay P14,132 sa elementarya, P15,048 sa junior high school, at P16,258 sa senior high school.
Sa ating Proposed Senate Resolution No. 12, binibigyang-diin na kinakailangan ang naaakmang framework para sa pagpapatupad ng tinatawag na principle of complementarity sa pagitan ng mga pampubliko at pribadong paaralan at magkaroon ng sistema sa edukasyon na tutugon sa mga pangangailangan ng bansa alinsunod sa mandato ng Saligang-Batas.
Hamon din ang pagpapatupad ng na-amyendahan nang Republic Act No. 6728 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE). Ipinatupad sa ilalim ng batas ang public-private partnership sa edukasyon sa pamamagitan ng iba't ibang tulong-pinansyal sa mga guro at mag-aaral. Ang mga tulong-pinansyal na ito ay pinalawig sa ilalim ng Republic Act No. 10533 or o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 na mas kilala bilang K to 12 Law.
Mahalaga na matugunan ang mga hamong kinahaharap ng mga pribadong paaralan, lalo na’t pinalala ito ng pandemya na nagpahina sa ating ekonomiya.
Dahil patuloy na hinaharap ng private schools ang ilang hamon, napapanahong pag-aralan natin kung paano sila muling makakabangon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Yorumlar